INIMBITAHAN na ng Commission on Elections (Comelec) ang matataas na opisyal ng pamahalaan para dumalo sa proklamasyon ng nanalong 12 senador sa katatapos na 2022 national at local elections.
Nabatid mula kay Commissioner George Garcia na kabilang sa mga pinadalhan ng paanyaya ay sina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo.
“Officially, we have invited the President, Vice President, Senate President, Speaker of the House and the Chief Justice for the proclamation,” ani Garcia.
“In the event that they are available to attend, there might be changes in prior arrangements,” dagdag nito.
Gayunman, nilinaw ni Garcia na wala pang nagbibigay ng kumpirmasyon sa pagdalo ng mga inanyayahang opisyal.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nag-imbita ang Comelec ng matataas na opisyal ng gobyerno sa proklamasyon.
Batay sa panuntunan ng Comelec, ang bawat nanalong senador ay maaaring magdala ng hanggang limang kasama sa seremonya. Ang dress code para sa mga bisita at panalong kandidato ay kasuotang Filipino.
Hindi naman obligado na magpakita ng negatibong antigen o RT-PCR COVID-19 test results ngunit kailangan ang COVID-19 vaccination card.
Batay sa pinakahuling canvassing ng National Board of Canvassers (NBOC) nitong Mayo 16, nangunguna pa rin ang aktor na si Robin Padilla na may botong 26.4 million.
Kasama rin sa Top 12 sina:
• Legarda, Loren, – 24,183,946
• Tulfo, Raffy – 23,345,261
• Gatchalian, Sherwin – 20,547,045
• Escudero, Chiz – 20,240,923
• Villar, Mark – 19,402,685
• Cayetano, Allan Peter – 19,262,353
• Zubiri, Juan Miguel – 18,663,253
• Villanueva, Joel – 18,439,806
• Ejercito, JV – 15,803,416
• Hontiveros, Risa – 15,385,566
• Estrada, Jinggoy – 15,071,213
Tanging ang certificate of canvass mula sa Lanao del Sur na lang ang hindi nabibilang dahil sa idineklarang failure of elections sa 14 na barangay roon dulot ng mga nangyaring karahasan noong Mayo 9. Jeff Gallos