Mga laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
4:15 pm – Cocolife vs Cherrylume-UE
7 pm – Smart-Army vs Sta. Lucia Realty
IPAPARADA ng Smart-Army at Sta. Lucia Realty ang kanilang pinalakas na lineup sa pagsisimula ng kanilang Pool B campaign sa Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference ngayon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.
Nakatakda ang laro sa alas-7 ng gabi matapos ang sagupaan ng Cocolife at ng nagbabalik na Cherrylume-UE sa alas-4:15 ng hapon.
Samantala, mainit na sinimulan ng F2 Logistics ang kampanya nito makaraang maitala ang 25-21, 25-21, 25-14 panalo laban sa Foton sa opening day ng torneo kamakalawa.
Pinangunahan ni De La Salle University star Kianna Dy ang atake ng koponan kung saan tumapos siya na may 10 points upang sirain ang inaabangang debut ni collegiate rival star Bea de Leon para sa Tornadoes.
Gumawa lamang si De Leon, dating Ateneo de Manila University star blocker, ng walong puntos, subalit nagpakita ng potensiyal sa magkabilang dulo.
Sa laro ngayon ay nakatutok ang lahat sa Smart at Sta. Lucia.
Matapos ang winless campaign sa Grand Prix, pinagsama ng Giga Hitters ang core ng Philippine Army at University of Santo Tomas upang bumuo ng isang eksplosibong koponan sa hitik sa karanasan at winning culture.
Sina Lady Troopers Mary Jean Balse-Pabayo, Luth Malaluan, Nerissa Bautista, Genie Sabas at Joanne Bunag ay pinabalik para samahan sina Tigresses Caitlin Viray, Dimdim Pacres, Mildred Dizon at Tin Francisco sa pangunguna sa Giga Hitters sa impresibong pagtatapos.
“We’re an old team that looks like new,” wika ni Smart head coach Kungfu Reyes, na ginabayan ang Lady Troopers sa dramatikong panalo laban sa Thailand juniors national team sa finals ng PSL Invitationals noong 2016.
“The pressure is always there and that’s what we want. We just have to overachieve and surpass the previous ranking of Smart. We won’t settle for anything less; we’ll target the best finish possible.”
Gayunman, ang Giga Hitters ay inaasahang mapapalaban sa Lady Realtors, na pamumunuan ng isa pang dating Ateneo star, sa katauhan ni Jhoanna Maraguinot, kasama sina Far Eastern University standouts Carly Hernandez, Jeanette Villareal at Toni Rose Basas.