PUBLIC HEARING SA NCR MINIMUM WAGE ADJUSTMENT ITINAKDA SA HUNYO 20

MAGSASAGAWA ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board–National Capital Region (RTWPB-NCR) ng public hearing sa minimum wage adjustment sa Hunyo 20, 2024, alas-9 ng umaga, sa Occupational Safety and Health Center sa Quezon City.

Natanggap ng RTWPB-NCR ang petisyon para sa minimum wage increase na inihain ng Unity for Wage Increase Now (UWIN) noong Mayo 24, 2024. Ang labor group ay humihirit ng dagdag sa daily minimum wage para sa private workers sa NCR sa halagang P597.

Ang kasalukuyang daily minimum wage sa NCR ay P610 para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector at  P573 para sa mga manggagawa sa agriculture sector, service/retail establishments na may 15 empleyado o mas mababa, at  manufacturing establishments na regular na nag-eempleyo ng wala pang 10 workers.

Hinihikayat ang mga employer, manggagawa, employer association, at labor organization na lumahok sa public hearing. Maaari silang magsumite ng  position papers sa RTWPB-NCR sa 2nd Floor, DY International Building, San Marcelino cor. General Malvar Sts., Malate Manila o sa pamamagitan ng  e-mail sa [email protected] (mailto:[email protected]) sa o bago sumapit ang June 18, 2024.

Inilathala ng RTWPB-NCR ang notice of public hearing nito para sa minimum wage adjustment sa isang pahayagan na may general circulation noong June 4, 2024. Alinsunod ito sa Republic Act No. 6727 (Wage Rationalization Act) na nagtatakda na ang lahat ng  RTWPBs ay dapat magbigay ng notice sa mga employee at employer groups, provincial, city, at municipal officials, at iba pang interested parties kapag magsasagawa ng public hearings o consultations.

Magugunitang noong 2024 Labor Day celebration sa Malacañang ay inatasan ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. ang RTWPBs na rebyuhin ang minimum wage rates sa kani-kanilang rehiyon.