PUBLIC-PRIVATE PARTNERSHIP PALALAKASIN VS COVID-19

PPP

MAGIGING susi ang aktibo at matibay na ‘public-private partnership’ para mapanumbalik ang sigla ng ekonomiya at matiyak ang kaligtasan ng bawat mamamayan ng bansa kung saan maituturing din itong mabisang armas sa pagsugpo sa COVID-19.

Ito ang ipinahayag ni Speaker Alan Peter Cayetano bilang reaksiyon sa inilunsad ng Inter-Agency Task Force on Emerging  Infectious Disease (IATF-EID) at National Task Force (NTF) Against COVID-19 na StaySafe.PH mobile application.

“This is the kind of public-private partnership that we need right now so that we can get back on track with the economy without sacrificing our public health,” sabi pa ng pinuno ng Kamara.

Ang naturang mobile app ang official contract-tracing system ng bansa na naglalayong sugpuin ang patuloy na pagkalat ng coronavirus, kung saan ang mga private establishment ay gagamit ng centrally-mapped QR codes para sa kanilang customers sa halip na magpa-fill up ng health declaration forms.

Ayon kay Cayetano, napakagandang balita ang paglulunsad ng StaySafe.Ph dahil una pa lamang ay naniniwala na ang Kamara  na kinakailangang ma-maximize ang mga makabagong teknolohiya at maging bahagi ng iba’t ibang programa ng pamahalaan na pawang nakatuong kontra COVID-19.

“This is very good news that we will now have the StaySafe app in our tracing arsenal. Possible game changer ito in our fight against COVID-19,” dagdag pa niya.

Samantala, muli namang nananawagan ang House Speaker para sa patuloy na kooperasyon ng publiko sa pagsusumikap ng gobyerno na tuluyang gapiin ang nakamamatay na sakit.

“Hindi po puwede ‘yung ayaw nating sumunod sa pagsuot ng face mask, paghugas ng kamay, at social distancing, tapos ‘pag tumataas ang bilang ng mga infected, sa gobyerno lahat ng sisi. We have to take responsibility for our actions. We have to be disciplined,” pagbibigay-diin ni Cayetano.   ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.