HINIMOK ng Philippine Heart Association (PHA) ang mga Pilipino na maging maingat sa kanilang pagkain at inumin sa mga pagtitipon sa Kapaskuhan dahil sinasabing ang mga kaso ng sakit sa puso ay karaniwang tumataas tuwing holiday.
Sa isang online forum, sinabi ni PHA Directors Dr. Richard Henry Tiongco II at Dr. Luigi Pierre Segundo na ang bilang ng tao na itinatakbo sa emergency room dahil sa heart attack ay tumataas kapag holidays dahil marami ang kumakain ng unhealthy food at umiinom ng alak.
Wala umanong pinipili ang naturang sakit, mayaman man o mahirap.
Samantala,pinayuhan ni PHA Council on Cardiopulmonary Resuscitation Chair Dr. Don Robespierre Reyes ang publiko na bahagya lamang kumain ng maalat, matamis at matatabang pagkain.
“Ang practical tip ko sa mga nagki-Christmas party ngayon, ang unang iiwasan ninyo ay pagkain ng maalat.The key is moderation. ‘Wag pong sobra-sobra. ‘Wag pong araw-arawin ang Christmas party,” saad niya.
Ipinunto rin ni Segundo ang “holiday heart syndrome” kung saan ang mga tao ay nagkakaroon ng heart disease dahil sa sobrang pag-iinom.
Batay sa datos ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), sinabi ni Segundo na ang standard ng sukat ng pag-iinom ay dapat 12 ounces lamang sa beer, 8 ounces para sa malt liquor, 5 ounces para sa wine, at 1.5 ounces para sa distilled spirits tulad ng gin, rum, vodka, at whiskey.
Ipinaliwanag niya na para sa mga kababaihan, ang apat o higit pang inumin na nainom sa isang okasyon ay itinuturing na “binge drinking,” habang ang walo o higit pang inumin kada linggo ay itinuturing na “heavy drinking.”
Para sa mga lalaki, ang lima o higit pang inumin na nauubos sa isang okasyon ay itinuturing na “binge drinking,” habang ang 15 o higit pang inumin bawat linggo ay “heavy drinking.”
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang ischemic heart disease ang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa bansa noong unang kalahati ng 2021, na nasa 18.7% ng kabuuang pagkamatay. PAUL ROLDAN