NAGPAALALA ngayon ang isang opisyal at obispo ng simbahang katolika sa mga mamamayan na maging alerto sa anumang oras upang makaiwas sa masasamang tao, partikular sa mga kidnapper at kawatan.
Ang paalala ng Bishop Oscar Jaime Florencio ng Military Ordinariate of the Philippines akasunod ng mga naiulat na kidnapping at krimen sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Dagdag pa nito na bagaman isolated, ayon sa Philippine National Police ang mga naitalang insidente ngunit mainam na pa rin ang pagiging mapagmatyag.
“Maybe this is an isolated case however mas maganda na may precautionary measures tayo dahil ito ay totoong nangyayari sa lipunan,” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Tiniyak ng Military Bishop sa mga Pilipino na kumikilos ang mga alagad ng batas sa pangunguna ng PNP para masugpo at mapigilan ang anumang uri ng karahasan at gawaing masama sa bansa na banta sa kaligtasan ng mamamayan.
“Let us be aware and not be alarmed because the police are doing their best to address this situation,” ani Bishop Florencio.
Kamakailan ay naglabas ng info-graphic ang PNP para maiwasang mabiktima ng ‘Van Kidnapping’.
Apela ni Bishop Florencio sa mamamayan lalo na sa mga magulang na tiyaking nakarating sa eskwelahan ang mga anak o alam ang kinaroroonan lalo’t sinasamantala ng masasamang tao ang unang linggo ng face to face classes ng mga kabataan.
“Let us just be preventive. To the parents, guardians, and everyone else, let us be vigilant, and they should know where their child is and then take precautionary measures,” ani Bishop Florencio.
PAUL ROLDAN