IPINANUKALA ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagsasabatas ng mga hakbang na magbibigay proteksiyon sa mga tsuper at konduktor ng bus sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at magtitiyak sa mga benepisyong social welfare services at iba pang tulong pangkabuhayan para sa mga driver ng public utility vehicles (PUVs).
Nais ni Estrada na maging ganap na batas ang pagkakaroon ng regulasyon sa kompensasyon ng mga tsuper at konduktor ng public utility bus (PUB) sa pamamagitan ng pag-atas sa mga operator ng pagpapatupad ng fixed salary at fixed working hours.
“Lumalabas sa simpleng computation na ang mga tsuper na kasalukuyang kumikita ng P900 at nagtatrabaho ng higit 12 oras kada araw sa loob ng tatlong araw sa isang linggo ay tatanggap ng halos parehong kita sa mga may minimum na sahod ngunit nagtatrabaho ng walong oras sa loob ng anim na araw. Ang pagkakaiba nito sa kasalukuyan, ang mga tsuper ay makakakuha ng sapat na pahinga sa ilalim ng panukalang batas na ito samantalang pareho pa rin naman ang magiging gastusin ng mga operator pagdating sa pagpapasweldo sa kanila,” sabi ng senador sa kanyang inihaing Senate Bill No. 48 o ang panukalang Bus Drivers and Conductors Compensation Act.
“Sa pagtitiyak ng regular na matatanggap na fixed salary, hindi na mapipilitan ang mga tsuper at kundoktor ng PUB na magtrabaho ng sobra-sobrang oras. Mababawasan din ang mga aksidente at problema sa trapiko na kadalasan ay kinasasangkutan ng mga pampublikong bus,” dagdag ni Estrada.
Itinakda rin ng mambabatas sa kanyang panukala na hindi dapat obligahin ng mga operator ang mga tsuper ng PUB na magmaneho ng higit walong oras nang diretso at dapat ay magkaroon din ng dalawang shift system. Hindi rin dapat bababa sa isang oras ang kanilang pahinga sa bawat araw ng trabaho.
Ang buwanang suweldo ng mga PUB driver at konduktor ay hindi dapat mas mababa sa minimum na sahod na itinatakda ng batas at ito’y dapat bayaran ng cash dalawang beses sa isang buwan, ani Estrada.
Sinabi rin niya na ang mga benepisyo at insentibo na nasa ilalim ng Labor Code at iba pang umiiral na batas ay dapat ding ibigay sa mga tsuper at konduktor.
Upang maiangat naman ang antas ng pamumuhay ng mga tsuper ng mga PUV, pati na ng kanilang pamilya, iminungkahi ni Estrada na masakop sila sa Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth), Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG at Employees Compensation Commission (ECC). Bukod pa rito, nais din niya na magkaroon ng livelihood at credit assistance para madagdagan ang kita ng kanilang pamilya.
Sa kanyang Senate Bill No. 289 o ang panukalang Comprehensive Assistance Program for Public Utility Vehicles Drivers Act, ang mga PUV operator ay inaatasan na magbayad ng katumbas na halaga ng buwanang kontribusyon na binabayaran ng mga tsuper ng PUV sa nasabing social welfare services.
Ang Office of the Transport Cooperative (OTC) ng Land Transportation Office (LTO), sa pakikipag-ugnayan sa Cooperative Development Authority (CDA) at iba pang may kaugnayang ahensiya ay dapat na atasan na bumalangkas at magpatupad ng isang komprehensibong programa para sa livelihood at credit assistance program sa mga tsuper ng PUV upang mapabuti ang kanilang pamumuhay.
“Ang transport sector, lalo na ang mga PUV, ay isa sa patuloy na hindi nabibigyan pansin na sektor sa bansa. Karamihan sa kanila ay kumikita lamang ng komisyon samantalang ang iba naman ay nasa ‘boundary scheme’ na lalo lamang nagpapalala sa kanilang mahirap na kondisyon sa trabaho,” sabi ni Estrada.
VICKY CERVALES