PUBLIKO PINAG-IINGAT SA PEKENG CONTACT TRACERS

Emi Calixto-Rubiano

NAGBABALA si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa mga residente ng lungsod na mag-ingat sa mga manlolokong tao na umiikot at nagpapanggap na mga contact tracer.

Inihayag ni Calixto-Rubiano ang kanyang babala makaraang makarating sa kanyang kaalaman tungkol sa mga taong umiikot sa lungsod na nambibiktima ng mga walang kaalam-alam na residente.

Kasabay nito, inatasan ni Calixto-Rubiano ang lokal na pulisya na maging alerto at arestuhin ang mga taong nagpapanggap na mga contact tracer at sampahan ng kaukulang kaso ang mga ito dahil sa kanilang iligal na aktibidad.

Ayon kay Calixto-Rubiano, ang modus ng mga manlolokong mga taong ito ay sa kanilang pagpapanggap na contact tra­cers ay kukunin ng mga ito ang mahahalagang impormasyon ng kanilang bibiktimahin tulad ng numero ng bank account at detalye ng credit card.

Sinabi rin ni Calixto-Rubinao, nauna nang nag-abiso ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga metro mayors na maglabas ng advisory upang maimpormahan ang kanilang mga kababayan at mapag-ingat sa mga gumagalang mga impostor at swindlers.

Hiningi naman ni Calixto-Rubinao ang buong kooperasyon ng mga residente sa pamamagitan ng pagrereport sa pulisya kung mayroon silang nakitang presensya o dili kaya ay may nabalitaang may nagsasagawa ng aktibidad na kahalintulad sa mga nagpapanggap na mga contact tracers.

Binigyang diin ni Calixto-Rubiano, ang tunay na contact tracers ay hindi nagtatanong ng mga personal na impormasyon sa larangan ng pinansiyal at mas lalong hindi nagbebenta ng kung ano pa mang produkto o serbisyo na kanilang iniaalok. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.