Pinayuhan ng isang paring Katoliko ang publiko na sa halip na ituon ang sarili sa social media at internet ay ugaliing magbasa ng banal na Bibliya dahil makatutulong ito sa mga taong may dinaramdam na problema o suliranin.
Ang payo ay ginawa ni Rev. Fr. Egai de Jesus, registered counselor & consultant ng University of Santo Tomas Psychotrauma Clinic at Radio Veritas Healing Touch Anchor, bunsod ng lumalalang mental wellness sa gitna ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa buong mundo.
Ayon kay Fr. De Jesus, maraming nilalamang kuwento ng pag-asa ang Bibliya na makatutulong upang maging positibo ang mga tao sa kabila ng mga nararanasang krisis dulot ng COVID-19 pandemic.
“Go back to the Bible. Kasi ito :yung maraming kuwento ng pag-asa. Tayo na mismo sa sarili na natin du’n sa magagandang bagay na puwede mong panoorin, para sa input ng isip mo, input ng kalooban mo. Para very positive ang dumating,” pahayag ni Fr. De Jesus sa panayam ng church-run Radyo Veritas.
Ipinaliwanag pa ng pari na makatutulong sa mga taong may depression ang pansamantalang pag-iwas sa paggamit ng gadget o pagbababad sa internet na kung saan maraming negatibo ang mababasa at makikitang kawalan ng pag-asa sa nagaganap sa bansa.
Hinihikayat ng pari ang pagkakaroon ng spiritual exercise, meditation at spiritual reading na makatutulong na pampakalma kapag nakararanas ng depression at anxiety.
“Kapag nasa concept na sila ng anxiety saka depression, ‘wag naman silang masyadong puro panood ng puro negative. Kasi lahat ng tao nakasubsob sa internet, sa facebook, sa tv. So lahat ng yan lalo kang matatakot sa mga nangyayari, nadidinig mo. So, mag-avoid tayo ng so much, too much dream na dahil sa mga nakikita na puro negative. So read, and watch something beautiful. Mga spiritual exercises, meditations, spiritual reading,” ayon sa pari.
Hinimok din ni Fr. De Jesus ang mga mamamayan na gamitin ang social media o internet sa positibong paraan sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga propesyonal tulad ng psychologist o pari at higit sa lahat ang pagdarasal at paghingi ng tulong sa Panginoon.
“Find more time to pray to be connected with God. Find your special place in your house where you can sit or kneel down and pray in silence. Itaas mo ‘yung kamay mo sa Panginoon. Be connected with God, kasi sa huli ang kakapitan mo talaga ‘yung pinakamakapangyarihan sa lahat e. It’s about time to recognize, the mighty power of God,” pagbabahagi pa ng pari.
Batay sa tala ng University of the Philippines-Diliman—Psychosocial Services (UPD-PsycServ), umaabot na sa mahigit 100-tawag sa telepono ang natatanggap nila kada araw mula sa mga nakararanas ng mental health problems. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.