PUGANTENG KOREANO, 2 PA NASAKOTE NG BI

TULUYAN nang nasakote ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na tumakas mula sa kanyang detention cell sa Bicutan, Taguig City.

Ayon sa BI intelligence division (ID) and fugitive search unit (FSU), naaresto si Kang Juchun, 38-anyos, sa kanyang condominium unit sa N. Domingo St. sa Brgy. Ermitano, San Juan City nang pinagsamang puwersa ng Philippine National Police SMART, San Juan City Police Station Intelligence Branch, MIG 46 SIF, MFC-DI, NISG NCR at NBI-AOTCD.

Inaresto si Kang sa bisa ng mission order na inisyu ni BI Commissioner Norman Tansingco.

Ayon sa report, si Kang ay tumakas matapos umakyat sa may taas na 20 feet na perimeter fence na may barbed wire dakong alas-2 ng madaling araw noong Mayo 21.

“He was limping when our agents arrested him. We suspected that he could have been injured as it was a massive fall on a cemented road,”ayon kay Tansingco..

Si Kang ay may arrest warrant na inisyu ng Seonsan Branch ng Daejeon District Court noong Pebrero sa kasong murder at abandonment of a dead body na isang paglabag sa Criminal Act ng Republika ng Korea.

Sa kabilang dako, dalawa pang South Korean national ang inaresto na kinilalang si Lim Kyung Sup, 43-,anyos at Kim Mi Kyung, 39-anyos dahil sa pagtatago kay Kang.

Dagdag pa rito, patong patong na kaso rin ang kakaharapin ng tatlo nang positibong marekober sa kanila ang 1 kilong shabu na may street value na P10.2M.

Bukod pa rito, base sa database, si Kim at Lim ay overstaying o mga illegal aliens na sa bansa. PAUL ROLDAN