PUJ DRIVERS GAGAWING CONTACT TRACERS

JEEPNEY10

KINOKONSIDERA ng  pamahalaan na bigyan ng alternatibong mapagkakakitaan ang public utility jeepney (PUJ) drivers na apektado ng  community quarantine sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, may panukalang i-hire ang mga PUJ driver bilang contact tracers upang mapalakas ang pagsisikap ng mga lokal na pamahalaan na matunton ang mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa COVID-19.

“We’re actually considering alternative livelihoods for them. There’s a suggestion that they be employed as contact tracers,” wika ni Roque.

Aniya, naghahanap ang gobyerno ng 120,000 contact tracers sa buong bansa upang tulungan ang umiiral na mahigit sa 30,000 contact tracers.

Sa kasalukuyan, limitadong public transportation lamang ang pinapayagan sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified GCQ.

Ang mga PUJ driver ay tumatanggap din ng fuel subsidy na katumbas ng 30 percent ng kanilang daily fuel consumption sa loob ng tatlong buwan.

Isinusulong din ng Department of Transportation (DOTr) ang isang economic stimulus package kung saan bahagi nito ay mapupunta sa fuel subsidy, na makababawas sa nawalang kita ng mga driver, at makatutulong sa kanilang operasyon. Ang panukala ay nakabimbin sa Kongreso. (PNA)

Comments are closed.