PULIS, ANIM NA PUSHERS KALABOSO

SHABU-PUSHER

TAGUIG CITY – ISANG aktibong pulis kasama pa ang anim na umano’y drug pusher ang inaresto sa buy bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig City Police kamakalawa ng gabi sa lungsod na ito.

Iniharap kahapon sa mga mamamahayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Major General Guillermo Eleazar ang mga suspek na nakilalang sina PCMS Rahid Sanguan, nakatalaga sa Police Security Protection Group (PSPG), Normina Sanguan, Alfonso Obejas, Ernie Legaspi, Joseph Denjuan, Ronnie Mark Sueno, at Nagrodin Ayob.

Ayon sa pahayag ni Eleazar, ang mga suspek ay naaresto dakong alas-6:15 ng gabi sa VP Cruz St., Barangay Lower Bicutan, Taguig City.

Sa pahayag ni Eleazar, na nagkasa ng buy bust operation ang mga tauhan ng SDEU ng Taguig City Police matapos na ang mga ito ay maka-tanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y pagtutulak ng droga ng mga suspek kabilang ang aktibong pulis.

Isa sa awtoridad ang nagpanggap na buyer na bumili ng P500 halaga ng droga sa mga suspek hanggang sa maaresto ang mga ito.

Nakumpiska ng mga pulis mula sa pitong suspek ang anim na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may humigit kumulang na 4 gramo na may street value na P27,200; 1 plastic sachet na naglalaman ng marijuana na nasa 17 gramo na nagkakahalaga ng P2,100; isang cellphone at P500 buy bust money.

Sa ngayon ang pitong suspek ay kasalukuyan nakakulong sa Taguig City police detention facility at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dange­rous Drugs Act of 2002 sa Taguig Prosecutor’s Office. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.