TINIYAK kahapon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na pananagutin ang pulis na nagpa-party sa Olongapo City.
Ito ay matapos na kumalat sa social media ang larawan ng isang grupo ng mga kalalakihan at kabaihan na masayang nag-iinuman sa party na umano’y inorganisa ng isang pulis sa nasabing lalawigan nitong Pasko.
Ayon sa ahensiya, siguradong mananagot si Police Cpl. Randy Baldero mula sa Olongapo City na sumuway sa ipinatutupad na health safety protocols ng gobyerno kaugnay sa nararanasang pandemya dulot ng COVID-19.
“Makakaasa ang publiko na papanagutin natin itong si Police Cpl. Randy Baldero. Iimbestigahan po ‘yan ng ating kapulisan. Kailangan niyang magpaliwanag kung bakit hindi siya sumunod sa mga health protocol ng IATF (Inter-Agency Task Force),” ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya.
Nauna rito, may isang hepe ng pulisya sa bayan ng Dolores sa lalawigan ng Quezon ang sinibak sa puwesto dahil sa paglabag sa pinaiiral na social distancing at health safety protocols kaugnay sa COVID-19.
Sa ginanap na virtual presser kahapon , inihayag ni Malaya na natanggap niya ang ipinadalang larawan ng ginawang pagtitipon sa Labrador Street sa Olongapo City na umano’y inorganisa ni Baldero kung saan ay may isang musmos pa ang nakihalubili sa pagtitipon.
Ani Malaya, maliwanag sa ipinadalang larawan na walang mask at walang face shield at walang social distancing na ipinapatupad doon sa ginawang pagtitipon.
Paliwanag ni Malaya, dapat unang tumugon sa mga ipinatutupad na health protocols ng gobyerno at magsilbing halimbawa ang mga awtoridad. VERLIN RUIZ
Comments are closed.