TINANGGIHAN ng isang pulis sa Makati City ang alok na suhol ng isang Japanese para sa kalayaan ng kaibigan nito sa kulungan na nagresulta sa pagkakaaresto ng nasabing dayuhan.
Nakilala ang Japanese na si Yoshitaka Yamamoto, 48-anyos, na nag-alok ng P50,000 kay SPO3 Alejandro Devalid, 51 –anyos, imbestigador ng Makati City Police, sa harapan mismo ng Makati Police Community Precint 6 sa Brgy. Poblacion.
Ayon kay Devalid, kabababa pa lamang niya sa isang mobile patrol sa harapan ng presinto nang lapitan siya ng suspek at abutan ng nabanggit na halaga kapalit umano ng pagtulong niya upang makalaya ang isang kaibigang Japanese na naaresto dahil sa pagkakaroon ng pekeng pera.
Nainsulto ang pulis at kagyat na inaresto ang Japanese dahil sa tangkang panunuhol kaya ngayon ay magkasama na sila sa kulungan ng kaibigang si Noa Shimegi, 27-anyos, sa kasong illegal possession of counterfeit money at corruption of a public official. BENJARDIE REYES
Comments are closed.