PULIS MALABON NATANGAYAN NG ARMAS

armas-2

NABIKTIMA ng dalawang hinihinalang mi­yembro ng “Basag Kotse Gang” ang isang pulis matapos matangay ang inisyung baril sa kanya na iniwan niya sa loob ng saksakyan sa Malabon City.

Sa report nina PSSg Jose Romeo Germinal at PSSg Ernie Baroy kay Malabon Police Chief P/Col. Jessie Tamayao, alas-10 ng gabi nang maganap ang insidente sa Gov. Pascual corner Sitio Gulayan, Brgy. Catmon ng lungsod.

Sa ulat, nagtungo sa Sitio Gulayan si PSMS Rugene Paule, 43, at PCpl Kirshner Buendia, kapwa nakatalaga sa Station Intelligence Branch (SIB), kasama ang kanilang impormante na si Ariston Arceo, sakay ng isang L300 (XDE312) para magserve ng warrant of arrest kontra sa wanted persons sa lugar.

Inilagay ni Paule ang inisyung baril sa kanya sa driver’s passenger seat ng kanilang sasakyan saka nagtungo sa bahay ng kanilang target habang naiwan mag-isa sa sasakyan ang impormante para bantayan ang mga gamit.

Gayunman, dahil sa nakaramdam ng pananakit ng tiyan ay umalis ang impormante at iniwang walang tao ang sasakyan.

Nang bumalik sa kanilang sasakyan si Paule, natuklasan nito na basag na ang bintana sa driver’s side at nawawala na rin ang kanyang HK 416 assault rifle cal. 5.56 at sling bag ng impormante na naglalaman ng wallet, P2,000, driver’s license at SSS ID.

Ini-report ng mga biktima ang insidente sa pulisya na nagsasagawa na ngayon ng follow-up na imbestigasyon sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek. EVELYN GARCIA

Comments are closed.