PULIS NA NAKA-ASSIGN SA NCRPO INAMBUS

riding in tandem

PARAÑAQUE CITY – ISANG pulis na nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang binaril at napatay ng riding in tandem suspects noong Martes ng gabi.

Kinilala ni Parañaque City police chief Colonel Robin King Sarmiento ang biktima na si Cpl. Michael Banaag, nakatalaga sa Regional Mobile Force Battalion 3rd Company (RMFB) ng NCRPO, na nagtamo ng maraming tama ng bala sa mukha at katawan na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Base sa report na isinumite ni Sarmiento sa Southern Police District (SPD), nangyari ang insidente sa Barangay San Martin de Porres.

Napag-alaman na pauwi na si Banaag sakay ng kanyang motorsiklo nang barilin ito.

Ayon kay King, dati nang nakatanggap ng ­ilang death threats ang biktima noon pa man na nakatalaga pa ito ng medyo matagal na panahon bilang operatiba ng anti-illegal drugs sa Manila Police District (MPD) bago siya nailipat kamakailan lamang sa RMFB-NCRPO. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.