TAGUIG CITY – ARESTADO sa entrapment operation ng mga tauhan ng Philippine National Police- Counter Intelli-gence Task Force (PNP-CITF) ang isa sa kanilang kabarong pulis matapos ireklamo ng pangongotong sa mga habal-habal drivers kahapon ng umaga sa Taguig City.
Hindi na nakapalag pa ang suspek na si SPO4 Danilo Paghubasan, deputy commander ng Police Community Precinct (PCP)- 9 ng Makati City police.
Base sa ulat na nakalap kay Supt. Renante Lambojo, hepe ng CITF, nadakip si Paghubasan dakong alas-7:00 ng umaga kahapon sa kanilang ikinasang entraptment operation sa Barangay Ususan sa Taguig City.
Ayon kay Lambojo, ang pagkakaaresto kay Paghubasan ay bunsod sa reklamo ng mga habal-habal drivers na nangingikil ang naturang pulis ng halagang P15,000 bilang membership fee at makapuwesto sila sa isang terminal sa Taguig City upang makakuha ng pasahero.
Napag-alaman din na ang suspek ay nangongolekta ng P150 kada araw sa 40 iba pang habal-habal drivers bilang proteksiyon sa kanila at hindi sila hulihin kapag dumaan sila sa C-6 at Palar Village.
Agad na nagsagawa ng surveillance operation ang mga tauhan ng CITF at nang magpositibo ang ilegal na gawain ni Paghuba-san ay nagkasa na sila ng entrapment operation na naging dahilan ng pagkakaaresto sa suspek.
Kasalukuyang isinasailalim sa masusing imbestigasyon si Paghubasan na nasa kustodiya ng CITF sa Camp Crame. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.