PULIS NA TULAK NALAMBAT SA BUY BUST

arestado

MUNTINLUPA CITY – ISANG pulis ang ina­resto ng kanyang mga kabaro sa ikinasang buy bust operation noong Lunes sa Lungsod na ito.

Kinilala ang suspek na si Patrolman Leo Valdez, nakatalaga sa Regional Mobile Force Battalion ng National Capital Region Police Office (RMFB-NCRPO).

Base sa pahayag ng Muntinlupa City Police,  ang miyembro ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) at ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay na­kipag-coordinate sa kanila hinggil sa ga-gawing buy-bust operation laban kay Valdez na naninirahan sa PNR Site, Marquez Compound, Barangay Putatan, Muntinlupa City.

Ang buy bust operation laban kay Valdez ay isinagawa bunsod sa natanggap na reklamo ng mga naturang ahensya hinggil umano sa paggamit at pagbebenta ng shabu ng suspek sa nabanggit na lugar.

Isa sa mga operatiba ang nagpanggap na bibili ng droga at nang magpositibo ay kaagad dina­kip  ang nasabing suspek.

Nakumpiska mula sa suspek ang P1,000 marked money at apat na plastic sachet  na naglalaman ng shabu.

Ayon pa sa pulisya ang nasabing suspek ay nakuhanan din ng video habang gumagamit ng droga na naging viral sa social media.

Base sa record ng pulisya, si Valdez ay pumasok sa pagpupulis taong 2007 subalit ito ay nag-AWOL noong 2014  dahil sa paggamit ng ile­gal na droga at nakabalik sa serbisyo taong 2017.

Kaagad na dinala si Valdez sa tanggapan ng PNP-IMEG at  iprinisinta kay PNP Chief Oscar Albayalde na galit na galit at ipinag-utos ang agarang pagtangal sa serbisyo kay Valdez. MARIVIC FERNANDEZ