PULIS NAGBANTANG PAPATAY NG MENOR KINASUHAN

PULIS

TAGUIG CITY – NAHAHARAP sa patong-patong na kaso at malaki ang posibilidad na masibak sa tungkulin ang isang pulis na lasing na nanakit at nagtangkang patayin ang dalawang lalaki kabilang ang isang menor sa loob ng Camp Bagong Diwa.

Iprinisinta ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chie Supt. Guillermo Eleazar sa mga mamamahayag si SPO2 Randy Fortuna na nakatalaga sa Special Reaction Unit-Explosive Ordnance Division (SRU-EOD) ng Pasay City police.

Alas-7:00 ng gabi nang maganap ang pananakit ng pulis kina alyas Harold, 18, at Jun.

Bumibili sa tindahan ang mga biktima nang biglang dumating ang la­sing na si Fortuna at tinutukan sa ulo si Junjun at pinalo ng puluhan ng baril sa balikat at sinabihan ang bata na “tumakbo ka na.”

Dahil sa takot ng binatilyo ay napatakbo ito nang mabilis at iniwan si Harold na siya namang pinagbalingan ng galit ni Fortuna.

Agad naman nagsumbong si Junjun sa kanyang ina at humingi ng tulong sa naka-duty na si SPO3 Noriel Meman ng RSHG-NCRPO na siyang umaresto kay Fortuna.

Sa pagresponde ni Meman ay kinumpiska nito ang .9mm. service firearm ni Fortuna at dinala sa tanggapan ng Regional Special Operations Unit (RSOU) ng NCRPO.

Ayon kay Eleazar, hindi niya kukunsintihin ang anumang maling gawain at pag-uugali ng kanyang kapulisan at ang pangyayaring ito ay magsilbi sanang halimbawa na tumigil sa maling pag-uugali ang kapulisan sa nasasakupan. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.