MAYNILA – HINDI maaaring pumasok at mag-inspeksiyon sa mga pasilidad ng tanggapan ng Commission on Elec-tions (Comelec) ang mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP) kung walang pahintulot o awtorisasyon ang mga ito.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Comelec Spokesperson James Jimenez bilang reaksiyon sa isang larawan sa social media, kung saan makikita si P/BGen. Israel Dickson, regional director ng Cordillera Regional Police Office, habang tila nag-iinspeksiyon ng mga vote counting machines (VCMs) at iba pang election paraphernalia sa isang Comelec warehouse sa Baguio City kamakailan.
Kaagad namang nilinaw ni Jimenez na hindi nila maaaring aksiyunan kaagad ang naturang insidente ng base lamang sa natur-ang larawan.
Ang naturang insidente ay una nang ikinagalit ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon.
Sa kanyang Twitter account, tinawag ni Guanzon ang atensiyon ng PNP at sinabing walang sinuman ang pinapayagang mag-inspeksiyon sa kanilang mga warehouse nang walang pahintulot, kahit pa aniya ang mga ito ay director o matataas na police official.
Binigyang-diin ni Guanzon na hindi kasama sa mandato ng PNP ang pag-inspeksiyon sa mga election paraphernalia.
Kaagad namang nagpaliwanag at ipinagtanggol ni PNP spokesperson P/Col. Bernard Banac si Dickson, at sinabing kahit hindi mandato ng PNP na mag-inspeksiyon ng mga VCMs at iba pang election paraphernalia, ay tungkulin naman nilang tiyakin ang pangkalahatang seguridad ng midterm elections sa Mayo 13.
Aniya, posibleng may permiso si Dickson sa ginawa dahil kung wala aniya ay hindi dapat pinapasok ang opisyal sa warehouse. ANA HERNANDEZ
Comments are closed.