CALOOCAN CITY – NASA malubhang kalagayan ang isang pulis matapos saksakin ng tari ng isa sa limang sabungero na inaresto ng pulisya dahil sa ilegal na tupada sa lungsod na ito.
Ginagamot sa FEU Hospital sanhi ng tinamong saksak sa tiyan ang biktima na nakilalang si Cpl. Lord Byron Tolentino, nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 5.
Kinilala naman ni Caloocan City acting chief of police P/Col. Noel Flores ang nanaksak na suspek na si Romy Quisay, 24, tubong Bolinao, Pangasinan, na nahaharap sa kasong direct assault, frustrated homicide at paglabag sa Presidential Decree 1602 o illegal gambling.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, alas-11 ng umaga nang makatanggap ng tawag mula sa concerned citizen ang mga tauhan ng PCP-5 hinggil sa ilegal na tupada sa kahabaan ng Agape St., Brgy. 178 na naging dahilan upang papuntahin ni P/Maj. Rammel Ebarle ang kanyang mga tauhan sa naturang lugar upang alamin ang naturang ulat.
Pagdating ng mga pulis sa lugar, naaktuhan ng mga ito ang grupo ng mga nagsasabong ng manok na naging dahilan upang arestuhin si Quisay, kasama sina Joel Espaltero, 53, Gerald Gonzga, 50, Aried Dioneda, 31, Joevito Bajasan, 34 at Ruel Nebreja, 40.
Gayunman, nang sitahin ni Cpl. Tolentino si Quisay, bigla na lamang inundayan ng saksak ng suspek sa tiyan ang pulis gamit ang tari na agad isinugod ng kanyang mga kabaro sa naturang pagamutan.
Sinabi ni Maj. Ebarle, narekober sa naturang lugar ang dalawang panabong na manok, dalawang tari at P1,000 bet money. VICK TANES
Comments are closed.