PULIS TAGUIG BINARIL SA ULO

binaril

PATAY ang isang pulis matapos na ito ay barilin ng hindi pa nakikilalang suspek kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Kinilala ni Taguig City Police Chief Col. Alex Santos ang biktima na si Patrolman Ralph Aquino, 31-anyos, nakatalaga sa Taguig City Police Community Precinct (PCP)-8 at naninirahan sa Laura Drive, Roganvilla Village, Barangay Bagumbayan, Taguig City.

Ayon kay Santos, ang biktima ay agad na namatay matapos barilin sa ulo nang malapitan ng hindi pa nakikilalang suspek.

Base sa imbestigas­yon, ang insidente ay naganap dakong alas-10:00 ng gabi sa may Paso St., Old Cemetery, Barangay Bagumbayan, Taguig City.

Nabatid, bago ang insidente ay sinundo ang biktima ng isang alyas “Toto” at inaya ito sa bahay ng isang nagngangalang Irene Pascua upang pumunta sa lamay nang bigla na lamang sumulpot ang hindi pa nakikilalang suspek at malapitan na binaril sa ulo ang biktima.

Sa ngayon ay ina­alam pa ang motibo sa pamamaslang pero isinantabi ng pulisya ang anggulong may kaugnayan ito sa trabaho ng biktima. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.