PUMUMUHUNAN NG OFWS SA PINAS, MAGAAN NA SA ‘ONLINE TIN’

MAGANDANG  balita para sa overseas Filipino workers, ipinatutupad na ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang ‘Fully-Online application’ para sa mga OFW upang makakuha sila ng Tax Identification Number (TIN) na magbibigay sa kanila ng pagkakataong mamuhunan sa Pilipinas kahit nasa ibang bansa pa sila.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, at nagpanukala nito sa BIR, magbibigay ng magagandang pagkakataon sa mga OFW ang ‘fully-online TIN application’ na mamuhunan sa mga tiyak at ligtas na negosyo sa bansa nila.

Pinuna ni Salceda na ang mga OFW ay isa sa pinagmumulan ng malaking perang pumapasok sa bansa, na umaabot sa $12 bilyon isang taon, higit na malaki pa kaysa mga foreign direct investment (FDI).

Ang Fully-Online TIN application ay pagkakataon din para sa mga OFW na nais mamuhunan sa ‘Philippine stocks’ bilang paghahanda sa tuluyan na nilang pag-uwi para sinupin ang kanilang kabuhayan at pamilya, sa halip na maging biktima pa ng mga ‘scammers, diin ni Salceda na dating isang ‘stock market analyst.’

Nauna rito, hiniling ni Salceda sa isang liham ni BIR Commissioner Caesar R. Dulay na hayaang mag-aplay ng TIN ang mga OFW na hindi na kailangang personal na pumunta sa BIR, dahil nga nasa ibang bansa sila, bukod sa maraming oras itong kinakain at dahil din sa pandemya.

Pumayag naman ang BIR at sinimulan ito ngayong taon. Bukod sa online application, pumayag na rin ang BIR na maaari na silang mag-aplay ng TIN sa pamamagitan ng kanilang awtorisadong kinatawan, lalo na kung kailangan nila ito sa pagbayad ng ambag sa kanilang Personal Equity and Retirement Account (PERA).

“Sa sandaling may TIN na ang mga OFW para sa PERA, maaari na rin nilang gamitin ito para sa kanilang ‘brokerage account’ na magandang balita din lalo. Kung meron sana nito noon pa, maaaring malaki na ang napuhunan nila sa mga makabuluhang proyekto,” dagdag niya.

“Dahil nga kailangang personal na berepikahin ang mga impormasyon ng mga taxpayers, personal din silang pinasisipot sa BIR na imposible naman para sa mga nasa ibang bansa pa, kaya hindi sila makapagbukas ng ‘brokerage accounts.’ Dahil dito, itsapuwera sila,” paliwanag ni Salceda.

Sinabi nitong sadyang hamon ang katiyakan sa pananalapi para sa mga OFW kung nais na nilang umuwi, kaya ang pamumuhunan nila sa ‘stocks’ ay magandang pagkakataon para matiyak din ang kanilang kinabukasan.

Naniniwala si Salceda na magiging batas din ngayong taon ang akda niyang ‘Consumer Financial Protection Act’ na pasado sa Kamara. “Maganda at kailangan ito ng mga OFW na paboritong target ng mga scammer o manloloko na nag-aalok sa kanila ng kung ano-anong raket na mapagkakakitaan, na madalas ay pinapatulan naman,” dagdag ng mambabatas na isa ring respetadong ekonomista.