PUNDASYON NG MGA IMPRAESTRUKTURA, DAPAT BIGYANG PRAYORIDAD

Joes_take

MARAMING grupo sa kasalukuyan ang nakatuon ang pansin sa integridad ng mga materyales na ginagamit sa paggawa ng mga gusali. Marami kasing nagsasabi na ang karamihan daw sa mga ito ay mababa ang kalidad partikular na ang ginagamit na mga bakal bilang pundasyon ng mga matataas na gusali sa bansa. Bunsod nito, nasa peligro ang buhay ng mga Filipino.

Para sa isang nakatira sa condominium, ito ay sadyang nakakapangamba.

Sa aking column noong nakaraang ika-22 ng Hunyo, binigyan diin ko rin ang mga mensahe ng ibang grupo ukol sa isyung ito. Aking pinuna ang paggamit ng mga substandard na mga bakal bilang pundasyon ng mga matataas na gusali. Ang mga ito ay hindi nagdaan sa tamang proseso at malabong tumagal kapag tayo ay tinamaan na ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude.

Ang lokasyon ng Fi­lipinas ay nasa Pacific Ring of Fire. Ito ay isang rehiyon na nakapalibot sa Pacific Ocean na maaaring tamaan ng mga malalakas na lindol at pagputok ng mga bulkan. Sa ngayon, hindi pa posibleng masabi o malaman kung kailan eksaktong tatama ang lindol ngunit ang mga eksperto ay gumawa ng barometer na makakapag-estimate kung kailan ito maaaring mangyari.

Mayroon akong nabasa ukol sa Marikina West Valley Fault. Ito raw ay gumalaw ng apat na beses sa loob ng 1,400 taon. Ang huling pagtama nito ay nangyari noong 1658, 361 taon na ang nakararaan. Kung gagamitin nating basehan ang nabanggit na timeline, maaaring mangyari ang susunod na paggalaw nito sa ating panahon. Maaari itong tumama anumang oras.

Kung totoo ang mga bali-balita na ang mga pundasyon ng mga gusali sa bansa na ginawa nitong nakaraang sampung taon ay substandard, ibig sabihin malaki ang posibilidad na hindi nito kayanin ang matinding pagyanig na dala ng malakas na lindol. Ako ay nakikiisa sa mga grupong humihimok sa mga ahensiya ng gobyerno na kumilos na bago mahuli ang lahat.

Kailangan ang Department of Trade and Industry (DTI), bilang ahensiya na may tungkuling suriin ang kalidad ng mga bakal at sa pagbibigay ng sertipikasyon dito, at ang Department of Interior and Local Government (DILG), na siya namang namamahala sa mga programa ukol sa paghahanda para sa mga kalamidad gaya ng bagyo, lindol, at iba pa, na magkaroon ng koordinasyon upang masiguro ang integridad ng pagkakagawa ng mga gusali sa ating bansa partikular na ang mga matataas  upang matiyak na handa tayong lahat para sa pagdating ng The Big One.

Isang nakapanlulumong balita na ang mga malala­king kompanya ng bakal daw ay mas nakatuon ang pansin sa malaking kita at hindi sa kalidad ng kanilang mga produkto. 12 taon na ang nakararaan nang binago ng mga kompanyang ito nang walang pasabi sa mga contractor, mga developer, at sa publiko na pinalitan nila ng quench tempered (QT) na bakal ang dating micro-alloyed (MA) na klase ng mga ito.

Nakalusot ang mga kompanya ng bakal sa ginawa nilang ito dahil hindi naman mahigpit ang pagsusuri ng ating mga bakal dito sa bansa. Halimbawa, ang isang bakal na grade 40 ay maaaring pumasa bilang grade 60 dahil sa QT coating nito.

Ayon sa mga structural engineer na nagsagawa ng pag-aaral ukol sa mga QT na bakal, ang mga grade 40 na bakal ay akma  para sa mga gusali na katamtaman lamang ang taas o mid-rise at hindi sa mga matataas na condominium. Kung magkakaroon ng lindol na may mataas na magnitude, maaaring gumuho ang mga gusali sa simpleng kadahilanan na hindi akma ang klase ng materyales para sa uri ng gusali na pinaggamitan nito.

Ang geographical na lokasyon ng Filipinas ang dahilan kung bakit dapat akma sa klase ng gusaling itinatayo ang ginagamit na klase ng bakal bilang pundasyon. Ang mga substandard na mga uri ng bakal ay hindi tatagal sa ilalim ng lakas ng 7.2 magnitude na lindol.

Isang katanungan na maaaring itanong ng karamihan ay kung maaari silang maghabol ng pananagutan para sa mga pinsalang makukuha kapag gumuho ang isang gusali na napatunayang gumamit ng substandard na mga materyales. Ang kasagutan ay oo ngunit ito ay nakadepende sa mga kondisyong nakasaad sa mga probisyon ng Civil Code of the Philippines.

Ang mga engineer at architect na gumawa ng plano at ng disenyo ng isang gusali ay may pananagutan pa rin sa kung anumang pinsala ang matatamo ng gusali kung ito ay ginamitan ng mga substandard na materyales, alam man nila ito o hindi basta’t ang insidente ay nangyari sa loob ng 15 taon matapos maitayo ang gusali.

Ayon sa ating Civil Code, ang contractor ay may pananagutan kung ang gusali ay guguho o magtatamo ng pinsala dahil sa hindi maayos na konstruksiyon o hindi akmang kalidad o uri ng materyales na ginamit sa loob ng 15 taon matapos itong maitayo. Kung ang pagtatayo ng gusali ay pinangasiwaan ng architect o ng engineer nito, magkakaroon din sila ng pananagutan gaya ng contractor nito.

Ito ay malinaw na hindi patas para sa mga engineer at mga architect. Ang dapat na managot ay ang mga kompanyang gumagawa ng bakal na siyang nag-supply ng mga substandard na mga materyales.

Ayon din sa aking ka­kilala na nagtatrabaho para sa isang kompanya ng insurance, kung ang gusali ay mapatunayang gumamit ng substandard na mater­yales, hindi raw sasagutin ng insurance ang halaga ng pinsalang matatamo nito.

Sa posibilidad ng pagtama ng isang matin­ding lindol sa ating bansa, patuloy ang gobyerno sa pagsasagawa ng mga earthquake drill at iba pang mga programang ukol sa paghahanda para sa mga kalamidad. Ngunit hindi naman tayo mapoproteksiyunan ng mga programang ito laban sa pagguho ng mga gusali na ginamitan ng mga substandard na mga materyales.

Sa isang dokumentong may pamagat na “A Clear and  Present Danger” na isinulat ni Engineer Morales, ang dating pinuno ng Association of Structural Engineers of the Philippines (ASEP), iniuugnay niya sa kalidad ng pundas­yon ng gusali at sa tibay at kalidad ng materyales ang anumang pinsa-lang matatamo ng mga ito sakaling tumama ang isang matinding lindol sa bansa.

Sinabi niya sa kanyang paliwanag na, “Assuming you have two similar buildings. Same everything and same design, and same material except for the rebars. One is quench-tempered and the other one is micro-alloyed rebar. In a severe earthquake, assuming that both of this will fail, the quench-tempered rebar will fail earlier. So, where is the ample adequate evacuation time [in the case of the quench-tempered rebar]? Wala.”

Manalangin na lamang tayo na sa pagdating ng The Big One ay magkaroon ng sapat na oras ang mga tao upang tumakbo palabas ng mga matataas na gusali upang mailigtas ang kani-kanilang buhay.

Sa aking kaso, mukhang kailangan kong kumaripas ng takbo na simbilis ni Usain Bolt.

Comments are closed.