PUNO’T DULO MAGTATAGPO

Standings W L
DLSU 3 0
AdU 2 1
NU 2 1
UST 2 1
FEU 1 2
UP 1 2
Ateneo 1 2
UE 0 3

Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
10 a.m. – DLSU vs UE
12 noon – Ateneo vs FEU
2 p.m. – UST vs AdU
4 p.m. – NU vs UP

TARGET ng league-leading La Salle ang ika-4 na sunod na panalo sa pagsagupa sa wala pang panalong University of the East sa UAAP women’s volleyball tournament ngayon sa Araneta Coliseum.

Ang Lady Warriors ay nagpakita ng improvement sa huling dalawang laro makaraang matalo sa season-opener kung kaya pinaalalahanan ni interim coach Noel Orcullo ang kanyang Lady Spikers na huwag baguhin ang estilo ng kanilang laro sa 10 a.m. match na magbubukas sa pagbabalik ng volleyball ng liga sa Big Dome matapos ang halos apat na taon.

“Respeto. Kailangan irespeto ang lahat ng mga kalaban. Wala kang sisinuhin kahit mababa pa ‘yung standing ng kalaban mo. Even kahit tambak na iyan, ‘yun nga ang lagi kong ipinapaalaala sa kanila na bigyan ninyo ng respeto ang kalaban ninyo,” sabi ni Orcullo. “Dahil kapag binigyan ng pagkakatataon na pumanhik, lalaban iyang si UE.”

“So every game, kailangan ‘yung respeto, nandoon. Hindi mawawala.”

Ang La Salle ay nanatiling tanging undefeated team makaraang maitarak ang 25-16, 25-20, 25-13 victory kontra Ateneo sa rivalry match noong Linggo. Ang Lady Spikers ay nanalo sa kanilang huling 11 laro sa Blue Eagles magmula noong 2017.

Si rookie Angel Canino, ang second leading scorer ng torneo, ay kahanga-hanga para sa La Salle ngayong season, habang gumagawa si Jolina dela Cruz ng solid numbers hindi lamang sa opensa kundi maging sa depensa.

Umaasa ang defending champion National University, na naputol ang 20-match winning streak sa 23-25, 25-27, 25-17, 25-22, 11-15 loss sa University of Santo Tomas, na maibalik ang kanilang dating porma laban sa University of the Philippines sa alas-4 ng hapon.

Sinabi ni coach Karl Dimaculangan na mas mabuting habang maaga ay matalo na ang Lady Bulldogs para agad na ma-assess ang kanilang mga pagkukulang kontra Tigresses.

“Lahat ng teams, nagpe-prepare sa amin and hindi rin namin alam papaano kami naghahanda. Pero nakikita naman namin ang mga pagkukulang namin. Ano na rin, okay naman, as early as after three games siguro,” ani Dimaculangan.

“Kailangan namin, ngayon after three games, kailangan makita kung ano ang kulang talaga namin and yung teams, kung papano nagpe-prepare against sa amin,” dagdag pa niya.

Naghahanda ang Fighting Maroons sa matinding laban upang sundan ang 22-25, 25-18, 25-19, 25-20 panalo laban sa Lady Warriors noong Linggo kung saan kailangan ng tropa ni coach Shaq Delos Santos na ilabas ang kanilang A-game upang makapagtala ng reversal.

Magsasalpukan ang UST at Adamson, kasalukuyang tabla sa NU sa 2-1 sa second spot, sa alas-2 ng hapon matapos ang banggaan ng Ateneo at Far Eastern University, nakaipit sa three-way logjam sa UP sa 1-2 sa fifth place, sa alas-12 ng tanghali.