Mga laro ngayon:
Araneta Coliseum
3 p.m. – TNT vs Terrafirma
6 p.m. – Blackwater vs Magnolia
MAGHAHARAP ang runaway elims topnotcher Magnolia at ang wala pang panalo at kulelat na Blackwater upang tapusin ang kani-kanilang kampanya sa PBA Governors’ Cup elimination round sa Araneta Coliseum ngayong Miyerkoles.
Ang resulta ng laro ay wala nang halaga sa puwestuhan ng Hotshots at ng Bossing. Selyado na ng Magnolia ang top position habang ang Blackwater, sa kasawiang-palad, ay hindi na makaaalis sa pagiging kulelat.
Sa kabila nito, ang dalawang koponan ay inaasahang puno pa rin ng lakas sa kanilang salpukan na nakatakda sa alas-6 ng gabi.
Isa itong sagupaan na inaabangan dahil may malaking epekto ito sa kung ano ang naghihintay sa kasaysayan.
Ang Blackwater ay nasa 29-game losing skid at determinadong mapigilan ang ikalawang sunod na conference na walang panalo. Ayaw naman ng Magnolia na maitala sa kasaysayan bilang koponan na tinalo ng Blackwater para wakasan ang mahabang losinh streak nito.
Tiyak na nais ng Hotshots na mapanatili ang kanilang momentum papasok sa quarterfinals kung saan makakaharap nila ang No. 8 seed.
Sa unang laro sa alas-3 ng hapon ay ipagpapatuloy ng TNT ang kampanya nito para sa isang puwesto sa top four sa pagsagupa sa Terrafirma.
Ang ika-4 na sunod na panalo ng Tropang Giga ay magbibigay sa kanila ng 6-4 kartada. CLYDE MARIANO