(Pupunan ang mawawalang kita sa POGOs) PAGSASAPRIBADO SA MGA CASINO

TAHASANG sinabi ni Senador Win Gatchalian na maaaring punan ang anumang mawawalang kita sakaling ipasara na ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa ng plano ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na isapribado ang malaking bilang ng mga casino.

Inanunsiyo kamakailan ng PAGCOR ang planong pagsasapribado sa 45 sa mga casino na hawak nito simula sa 2025 na inaasahang magbibigay sa gobyerno ng karagdagang P60 bilyon hanggang P80 bilyong kita.

“Ang planong pagsasapribado ng mga casino ng PAGCOR ay magpapataas sa kita ng gobyerno nang hindi na kinakailangang magdagdag pa ng ipapataw na buwis, habang nasa gitna ng paghihigpit ng sinturon ng pamahalaan,” sabi ni Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Ways and Means.

Bukod dito, ang pagsasapribado sa pagpapatakbo ng mga casino ng PAGCOR ay may layon din na ihiwalay ang regulatory function ng ahensiya sa commercial operation nito. Sa mga nakaraang pagdinig, sinabi ni Gatchalian na ito ang nais niyang mangyari.

Binigyang-diin niya na ang naturang hakbang ay magbibigay-daan upang magampanan nang epektibo ng PAGCOR ang tungkulin nito bilang isang regulatory body nang walang conflict of interest.

-VICKY CERVALES