Puslit na sigarilyo mula Indonesia pinopondohan ang Abu Sayyaf, MNLF

Pinopondohan ng puslit na sigarilyo mula Indonesia ang operasyon ng mga terorista at rebolusyonaryong grupo sa Mindanao, ayon sa isang regional security expert.

Ibinunyag ito ni Professor Rohan Gunaratna ng Nanyang Technological University sa Singapore sa nakaraang forum na ginanap sa Makati City.

Ayon kay Gunaratna, founder ng International Centre for Political Violence and Terrorism Research sa Singapore, kabilang ang Abu Sayyaf Group (ASG) at Moro National Liberation Front (MNLF) sa mga grupong nakikinabang sa cigarette smuggling sa Mindanao.

Tinalakay ni Gunaratna ang koneksyon ng terorismo at cigarette smuggling sa PROTECT 2024 Conference na ginanap sa New World Hotel sa Makati City noong Hunyo 28, 2024. Pinag-usapan ng mga delegado sa forum ang mga patuloy at umuusbong na banta, kabilang ang mga panganib sa geopolitika, extremism, pagbabago ng klima at cybersecurity.

Dumalo sa komperensya sina National Security Adviser Eduardo M. Año at Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., kasama ang mga kinatawan mula sa Embahada ng Indonesia sa Maynila.

Sinabi ni Gunaratna na nawawalan ng milyun-milyong kita ang Pilipinas dahil sa pagpupuslit ng sigarilyo ng mga grupong hindi kinikilala ng gobyerno.

Binanggit ni Gunaratna ang datos ng kalakalan mula sa Indonesia na nagpapakita na umabot ang export ng sigarilyo nito sa Pilipinas sa $137 milyon o halos P8 bilyon noong 2021. Ang export na ito ay hindi makikita sa datos ng import ng Pilipinas.

Ang mga brand na dumating sa Pilipinas ay hindi din rehistrado sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at wala ring graphic health warnings, tax stamps at iba pang kinakailangang markings, ani Gunaratna.

Kasama sa mga karaniwang puslit na brand ang Gudang Baru, Oakley, Souvenir, Cannon, Bravo, New Berlin, Fort at Astro. Kasama ang mga brand na ito sa mga nakumpiska ng mga awtoridad sa Mindanao. Lantaran ding ibinebenta sa mga tindahan ang mga ito kahit walang record ng import o pagbabayad ng buwis.

Sinabi ni Gunaratna na ang mga ilegal na sigarilyo ay pumapasok sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga daungan sa Palawan, Zamboanga, Sulu at Tawi-Tawi. Milyon-milyong pisong halaga ng mga produkto ang nakumpiska sa mga daungan nito mula 2021 hanggang 2023.

Aniya, ang paglitaw ng mga pribadong daungan, partikular sa Mindanao, ay tumutulong sa transportasyon ng mga puslit na produkto. Hanggang hindi na-momonitor at kontrolado ang mga port na ito ay magpapatuloy ang smuggling, dagdag niya.

Ayon pa kay Gunaratna, matatagpuan sa mga lugar na ito ang kuta ng ASG at MNLF na gumastos ng milyon-milyon sa pagpupuslit ng sigarilyo upang pondohan ang kanilang mga aktibidad. Sinabi ni Gunaratna na ginagamit din ng mga grupong ito ang tubo mula sa smuggling para makakuha ng impluwensya sa politika.

Sinabi pa ni Gunaratna na ang illicit trade ay nagpapasigla sa mga grupo ng terorista sa Pilipinas. Pinayuhan niya ang pamahalaan na makipagtulungan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at tiyakin ang kooperasyon sa pagitan ng AFP at PNP para pahinain ang mga iligal na grupo na sangkot sa pagpupuslit ng sigarilyo.

Tinatayang halos $3 bilyon ang nawawala ng mga bansa ng ASEAN mula sa mga ilegal na produkto ng tabako, ayon sa isang ulat noong 2017 ng Transnational Alliance to Combat Illicit Trade (TRACIT) at ng EU-ASEAN Business Council. Sa Pilipinas, tinatayang nawawalan ang gobyerno ng P100 bilyon or $1.9 bilyon kada taon dahil sa pagpupuslit na sigarilyo.

Iniulat ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang 16 porsiyentong pagbagsak sa koleksyon ng buwis sa tabako mula P160.55 bilyon noong 2022 sa P134.87 bilyon noong 2023.