MAAARING mag-apply para sa exemption sa minimum wage hike ang maliliit na negosyo, gayundin ang mga nalugi dahil sa COVID-19 pandemic, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa panayam sa Teleradyo, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na puwedeng magsumite ng aplikasyon sa mga regional office ng wage board ang mga negosyong hindi lalagpas sa 10 ang empleyado at mga negosyong tinamaan ng natural o mand-made calamity, tulad ng pandmeya.
Ayon kay Bello, nauunawaan ng gobyerno ang dagok ng pandemya sa mga negosyo.
Nauna na ring sinabi ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) na bukas sila sa pag-apply sa exemption sa minimum wage hike.
Inaprubahan kamakailan ng wage boards ng Metro Manila at Western Visayas ang pagtataas sa minimum wage para sa mga manggagawa sa iba’t ibang sektor sa dalawang naturang rehiyon,
Sa Wage Order No. NCR-23 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB)-NCR, tataas ng P33 ang daily minimum wage sa Metro Manila kung kaya ang bagong minimum wage rate ay magiging P570 na para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector, at P533 sa agriculture sector.
Samantala, inaprubahan din ng Western Visayas wage board ang salary increase para sa mga manggagawa sa non-agriculture, industrial at commercial establishments na P55 at P110, ayon sa pagkakasunod, kung kaya ang daily minimum wage para sa mga sektor sa rehiyon ay magiging P450 at P420 na.