PVL: BACK-TO-BACK WINS SA CREAMLINE

Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
1 p.m. – PetroGazz
vs Cignal
3 p.m. – Capital1
vs Choco Mucho
5 p.m. – ZUS Coffee
vs Akari

SINANDIGAN ni Bernadeth Pons ang Creamline sa pagposte ng unang winning streak nito sa Premier Volleyball League Reinforced Conference makaraang pataubin ang Chery Tiggo, 25-20, 24-26, 25-16, 25-19, kagabi sa Philsports Arena.

Nakabawi ang Cool Smashers mula sa pagkatalo sa extended second set sa pagkuha sa sumunod na dalawa sa likod ng career game ni Pons upang makatabla ang Crossovers sa 2-1 sa Pool A.

Nauna rito ay naungusan ng Farm Fresh ang Galeries Tower, 25-22, 35-37, 23-25, 25-20, 15-10, upang makapasok sa win column.

Bumanat si Pons ng 25-of-55 kills at nakakolekta ng 23 receptions at 7 receptions sa kanyang best game magmula sa kanyang PVL debut sa Invitational Conference noong nakaraang taon.
Nalusutan ng Creamline ang pinakamalaking pagsubok sa torneo sa harap ng patuloy na pagkawala ng kanilang main offensive weapons Jema Galanza, Alyssa Valdez at Tots Carlos, gayundin ni middle blocker Pangs Panaga.

“Sobrang happy kasi ‘yung preparation nakita sa game,” sabi ni coach Sherwin Meneses.

Umiskor si American Erica Staunton ng 21 points, nagtala si Michel Gumabao ng 17 points habang humataw si Bea de Leon ng 2 blocks para sa 12-point effort para sa Creamline.

Nanguna si Colombia’s Yeny Murillo para sa Foxies na may stellar 29-point performance, kabilang ang 8 points sa decisive fifth set. Nakakolekta rin siya ng 16 receptions at 10 digs.

“I’m very happy,” wika ni Farm Fresh’s coach Shuta Sato sa pamamagitan ng interpreter.

Umiskor sina Cait Viray at Trisha Tubu ng tig-18 points, habang si Aprylle Tagsip ang isa pang Foxies player sa double digits na may 15 points. Nagtala sina Viray at Tagsip ng pinagsamang 9 sa 16 blocks ng Farm Fresh.