PVL: BUENA MANO SA HIGH SPEED HITTERS

Mga laro sa Martes:
(Philsports Arena)
2:30 p.m. – F2 Logistics vs Chery Tiggo
5:30 p.m. – PetroGazz vs Choco Mucho

NAKUMPLETO ng PLDT Home Fibr ang come-from-behind 17-25, 25-20, 24-26, 25-11, 15-11 victory kontra United Auctioneers Inc.-Army upang mainit na simulan ang kanilang kampanya sa Premier Volleyball League Reinforced Conference kahapon sa Santa Rosa Multipurpose Sports Complex.

Si Russian outside spiker Elena Samoilenko ang tunay na kinakailangan ng High Speed Hitters para magkaroon ng karagdagang opensa na nawala sa unang dalawang conferences.

Hataw ang 6-foot-2 Samoilenko ng 35 points, kabilang ang 2 blocks, at nakakolekta ng 12 digs para pangunahan ang PLDT sa kanilang unang panalo.

“Pinaghandaan namin iyan,” sabi ni High Speed Hitters coach George Pascua. “Siyempre, hindi gaanong kadali iyan, lalo na kapag first game especially sa mga imports. ‘Yung familiarization sa laban dito sa Pilipinas.”

“Ang sabi ko sa kanya (Samoilenko), just play your game and then laging hihingin ang bola, especially kapag kinakailangan during crucial with instruction with (setter) Rhea (Dimaculangan). Kailangang ma-maximize namin,” dagdag pa niya.

Walang dudang muling sasandal ang PLDT kay Samoilenko sa mga susunod nilang laro.

“Hopefully by next game, ma-achieve pa rin iyon,” ani Pascua hinggil sa produksiyon ni Samoilenko.

Nag-ambag si Chinchin Basas ng 11 points, kabilang ang 3 service aces, habang umiskor sina Mika Reyes, Dell Palomata at Fiola Ceballos ng tig-10 points para sa High Speed Hitters.

Kumubra sina Canadian open hiiter Laura Condotta at Royse Tubino ng tig-17 points para sa Lady Troopers.