Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
3 p.m. – Chery Tiggo vs Galeries
5 p.m. – PLDT vs Akari
7 p.m. – Choco Mucho vs Farm Fresh
BINUOD ni Gretchel Soltones ang winning debut ni coach Timmy Sto. Tomas para sa PetroGazz.
“Magaan. Simple. ‘Yun lang po,” nakangiting pahayag ni Soltones matapos ang 25-11, 26-24, 25-22 panalo laban sa Premier Volleyball League debutants Galeries Tower noong Martes ng gabi.
Pinalitan ni Sto. Tomas si Oliver Almadro, na siya ngayong head ng volleyball operations ng Angels, bago ang Second All-Filipino Conference.
Isang malaking hamon para kay Sto. Tomas, na siya ring coach ng Ateneo men’s volleyball, ang hawakan ang isa sa top PVL clubs.
“Siyempre, ‘yung pressure is always there. Suwerte ako kasi I’m back with these kind of players like sina Nang (Aiza Maizo-Pontillas), sina Grethcel, sina mommy Chie (Saet) at ate (Djanel Cheng),” sabi ni Sto. Tomas. Pinangunahan ni Soltones ang atake ng PetroGazz na may 19 points, kabilang ang isang block touch na tumapos sa one-hour, 34-minute encounter.
Ang dating NCAA MVP ay kumamada rin ng 14 digs at 10 receptions, nag-ambag si Maizo-Pontillas ng 10 points, habang kumana si Cheng ng match-best three service aces at gumawa ng 15 excellent sets para sa Angels. Susunod na makakasagupa ng PetroGazz ang Gerflor sa Sabado sa Batangas City. Lilipat ang aksiyon sa Filoil EcoOil Centre ngayong araw simula sa alas-3 ng hapon kung saan target ng Chery Tiggo at Akari na makisalo sa maagang liderato kontra Galeries at PLDT, ayon sa pagkakasunod.