PVL: CHERY TIGGO, CHOCO MUCHO MAGKAKASUBUKAN

Standings W L
Creamline 3 0
Chery Tiggo 3 0
Choco Mucho 2 1
PetroGazz 2 1
PLDT 1 2
Cignal 1 2
F2 Logistics 1 2
Akari 1 3
UAI-Army 0 3

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
2:30 p.m. – Choco Mucho vs Chery Tiggo
5:30 p.m. – PLDT vs F2 Logistics

MAHAHARAP ang Cherry Tiggo sa malaking hamon kontra Choco Mucho sa pagtatangka nitong mabawi ang top spot sa Premier Volleyball League Reinforced Conference ngayon sa Philsports Arena.

Batid ni coach Aying Esteban na kailangang iangat ng Crossovers ang level ng kanilang laro sa 2:30p.m.match sa Flying Titans.

“Wala namang kailangang ayusin. Kailangang mag-strategize kung ano dapat naming gawin kung sino ang kalaban namin, kung sino ang nasa harapan namin,” sabi ni Esteban.

“Everytime may kalaban kami, siyempre nire-review din namin sila at gumagawa kami ng strategy kung ano ang dapat i-apply doon para makuha namin ng madali ang panalo sa mga games namin,” dagdag pa niya.

Ang Chery Tiggo ay kasalukuyang tabla sa Creamline sa unang puwesto na may 3-0 record.

Nakabuntot ang Choco Mucho, may 2-1 kartada kasama ang defending champion PetroGazz sa ikatlong puwesto.

Naniniwala si coach Oliver Almadro na nakahanda ang Flying Titans na makipagpukpukan sa Crossovers.

“They are on a roll. Their locals are delivering too. Consistent naman yung guest player (Jelena Cvijovic) so we really have to prepare for them. It will really be a good match for us,” ani Almadro.

Nalusutan ng parehong koponan ang five-setters noong nakaraang Huwebes, kung saan natakasan ng Chery Tiggo ang Akari, 23-25, 25-21, 21-25, 25-21, 15-6, habang dinispatsa ng

Choco Mucho ang PLDT, 25-27, 25-22, 18-25, 25-22, 17-15.

Ang F2 Logistics at PLDT, nakaipit sa three-way tie sa walang larong Cignal mula fifth hanggang seventh places sa 1-2, ay magsasalpukan sa alas-5:30 ng hapon.

Target ng Cargo Movers ang kanilang unang winning streak sa conference, habang sisikapin ng High Speed Hitters na putulin ang two-game slide.

“Yung PLDT may tao din naman,” sabi ni F2 Logistics coach Benson Bocboc. “Lahat actually ng teams ngayon, hindi mo puwedeng hindi pansinin. Lahat sila ready. Lahat sila may ilalabas talaga at lahat gustong manalo. So kailangan lang, mas gustuhin namin.”