PVL: CHERY TIGGO LUMAPIT SA SEMIS

Standings W L
Chery Tiggo 4 0
Creamline 3 0
PetroGazz 2 1
Choco Mucho 2 2
PLDT 1 2
Cignal 1 2
F2 Logistics 1 2
Akari 1 3
UAI-Army 0 3

Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
2:30 p.m. – Akari vs Creamline
5:30 p.m. – Chery Tiggo vs UAI-Army

NALUSUTAN ni Mylene Paat ang cramps at kumana ng 25 points upang tulungan ang Chery Tiggo na hilahin ang kanilang perfect run sa apat na laro sa pamamagitan ng 29-27, 18-25, 25-16, 25-20 panalo kontra Choco Mucho sa Premier Volleyball League Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena.

Humabol ang Crossovers mula sa 13-16 deficit sa fourth set upang lumapit sa semifinals.

Si Paat, gumawa ng dalawang blocks at dalawang service aces, ay pinulikat sa fourth set ngunit nagawa pa ring bitbitin ang Chery Tiggo sa panalo.

“Ganoon naman tayo. Para tayong sundalo, nasasaktan, nadadapa. Lalaban pa rin,” sabi ni Paat.

Nagtala rin si EJ Laure ng 2 blocks upang tumapos na may 15 points habang si Montenegro’s Jelena Cvijovic ang isa pang Crossovers player na nagtala ng twin digits na may 10 points na sinamahan ng 21 receptions at 8 digs.

Natuwa si Chery Tiggo coach Aying Esteban sa pagiging matatag ng kanyang tropa, lalo na sa krusyal na sandali.

“Kahit paano, ‘yung composure ng team namin, hindi nawala. ‘Yung pagkapit doon hanggang dulo, gustong manalo talaga,” ani Esteban.

Nanguna si Uzbekistan-born Odina Aliyeva sa scoring para sa Flying Titans na may 21 points na sinamahan ng 11 receptions at 10 digs habang nagdagdag si Kat Tolentino ng 15 points, kabilang ang 3 blocks.

Nalasap ng Choco Mucho ang ikalawang kabiguan sa apat na laro.