Standings W L
Creamline 4 0
PetroGazz 4 1
PLDT 4 1
Chery Tiggo 4 1
Choco Mucho 3 1
Akari 3 2
F2 Logistics 2 2
Cignal 2 2
Nxled 1 3
Galeries Tower 0 4
Gerflor 0 5
Farm Fresh 0 6
Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
2 p.m. – Nxled vs Choco Mucho
4 p.m. – Farm Fresh vs F2 Logistics
6 p.m. – Galeries Tower vs Cignal
TARGET ng Choco Mucho na sumalo sa ikalawang puwesto sa pagsagupa sa Nxled sa Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference ngayong Martes sa Philsports Arena.
Sisikapin ng Flying Titans, na hindi pa natatalo sa set magmula nang mabigo sa kanilang conference opener, na mahila ang kanilang winning run sa apat na laro sa 2 p.m. duel sa Chameleons.
Sa iba pang laro, haharapin ng F2 Logistics ang Farm Fresh sa alas-4 ng hapon habang magsasalpukan ang Cignal at Galeries Tower sa alas-6 ng gabi.
Ang Creamline ang nalalabing undefeated club na may 4-0 record, habang ang PetroGazz, PLDT at Chery Tiggo ay nakaipit sa three-way tie sa second spot sa 4-1. Ipinalasap ng Crossovers sa Angels ang kanilang unang pagkatalo sa torneo sa four-set win noong nakaraang Sabado.
Sa kabila ng pagkawala ni Des Cheng dahil sa season-ending ACL injury, nagawa ng Choco Mucho na manatili sa upper half ng standings na may 3-1 record.
Makaraang yumuko sa Cool Smashers sa apat na sets sa inaugurals ng season-ending conference noong nakaraang Oct. 15, magkakasunod na pinataob ng Flying Titans ang Foxies, HD Spikers at Highrisers.
Laban sa Nxled side na natalo ng tatlong sunod matapos ang opening day win kontra Gerflor, batid ng Choco Mucho na kailangan nitong mapanatili ang mataas na lebel ng kanilang paglalaro.
“Lagi lang akong nagre-remind sa kanila na huwag silang magsawa sa ginagawa namin. Basta i-continue lang namin kung ano yung sistema na ginagawa sa training then sigurado pagdating sa game, same result yung kinalalabasan,” sabi ni Flying Titans coach Dante Alinsunurin.
May magkatulad na 2-2 records, ang Cargo Movers at HD Spikers ay determinadong magwagi upang manatili sa top four range.
Sisikapin ng F2 Logistics na makabawi mula sa 22-25, 25-27, 14-25 pagkatalo sa PetroGazz sa Santa Rosa noong nakaraang Huwebes, habang hangad ng Cignal na masundan ang 25-23, 23-25, 25-20, 25-17 panalo laban sa Farm Fresh noong Sabado.