PVL: CIGNAL SASALO SA LIDERATO

Standings W L
PLDT 3 0
Creamline 2 0
Cignal 2 0
PetroGazz 2 1
Akari 2 1
Chery Tiggo 2 1
Choco Mucho 2 1
ZUS Coffee 1 1
Farm Fresh 0 2
Capital1 0 3
Nxled 0 3
Galeries Tower 0 3

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4 p.m. – ZUS Coffee vs Galeries Tower
6:30 p.m. – Choco Mucho vs Cignal

MAGHAHARAP ang dalawa sa powerhouse teams ng Premier Volleyball League — Cignal at Choco Mucho – ngayong Huwebes sa Philsports Arena sa Pasig, para sa maagang pangunguna sa All-Filipino Conference.

Ang HD Spikers ay sasalang sa 6:30 p.m. match na mataas ang morale kasunod ng commanding victories kontra Chery Tiggo Crossovers (2-1) at Farm Fresh Foxies (0-2). Ang isa pang panalo ay hindi lamang hihila sa kanilang streak kundi sasalo rin sila sa ibabaw ng standings sa wala pang talong PLDT High Speed Hitters.

Gayunman ay mahaharap ang HD Spikers sa mabigat na hamon mula sa resurgent Choco Mucho side. Kilala sa kanilang attacking firepower, ang Flying Titans ay bumawi mula sa four-set loss sa Petro Gazz Angels nang maungusan ang Galeries Tower Highrisers sa limang sets at dinomina ang Capital1 Solar Spikers sa apat upang makatabla ang Angels, ang Akari Chargers at ang Crossovers sa 2-1.

Sasandal ang Cignal sa seasoned roster nito, sa pangunguna nina Ces Molina, Roselyn Doria at Vanessa Gandler, kasama ang young talents tulad nina Jovelyn Fernandez at Judith Abil. Mangunguna sa kanilang net defense sina middles Riri Meneses at Jackie Acuña, habang sina league standouts Gel Cayuna at Dawn Catindig ang magsisilbing playmaker at defensive specialist, ayon sa pagkakasunod..

Upang mapanatili ang kanilang winning momentum sa conference na inorganisa ng Sports Vision, kailangang mapigilan ng HD Spikers si Choco Mucho’s high-flying star Sisi Rondina at ang consistent contributions nina veterans Royse Tubino, Isa Molde, Kat Tolentino at Cherry Nunag. Karagdagan dito, ang malakas na presensiya ni rookie Lorraine Pecana sa net ay nagdagdag ng bagong lakas sa laro ng Titans sa ilalim ni coach Dante Alinsunurin.

Samantala, sasandal ang ZUS Coffee Thunderbelles sa kanilang breakthrough triumph kontra Nxled Chameleons sa kanilang 4 p.m. showdown. Nasa kanilang panig ang momentum, target ng Thunderbelles ang isa pang panalo laban sa Galeries Tower Highrisers, na nananatiling gutom sa kanilang unang panalo ngayong season matapos ang dikit na five-set defeat sa Choco Mucho.

Pinangungunahan nina top rookie Thea Gagate, veteran Jovelyn Gonzaga at Kate Santiago, sisikapin ng ZUS Coffee na mapanatili ang kanilang winning form.

Samantala, kailangang iangat ng Galeries Tower stars, kabilang sina Jewel Encarnacion at rookie Julia Coronel, ang kanilang laro upang maputol ang kanilang three-match losing streak.