PVL: CIGNAL SINILAT ANG F2 LOGISTICS

NAGING matatag ang Cignal HD Spikers upang maitakas ang four-set win laban sa F2 Logistics Cargo Movers sa 2022 Premier Volleyball League (PVL) Open Conference nitong Linggo.

Nalusutan ng HD Spikers ang injury ni ace hitter Ces Molina upang kunin ang 25-14, 25-21, 19-25, 25-18 panalo sa Paco Arena sa Manila.

Umangat ang Cignal HD sa 2-0 upang kunin ang liderato sa Pool A, habang nalasap ng Cargo Movers ang unang kabiguan sa dalawang laro.

“Talagang tinapangan lang po namin, kahit na nakita natin kanina na may na-sprain po,” sabi ni Cignal HD setter Gel Cayuna, na itinanghal na ‘Player of the Match’ makaraang kumamada ng 7 points at  18 excellent sets.

Tumipa si Molina ng 13 points bago lumabas sa fourth set dahil sa right ankle sprain. Nag-ambag si skipper Rachel Anne Daquis ng 13 points sa 11 kills at 2  blocks, habang nagtala si Ria Meneses ng 12 points.

Kumana ang HD Spikers ng 49 kills laban sa 44 ng Cargo Movers, at 5-2 lead sa blocks. Umiskor din ang Cignal HD ng 9 points mula sa kanilang serve habang nagbigay ng isa lamang ace sa F2 Logistics.