PVL: CIGNAL WINALIS ANG AKARI

Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
4 p.m. – F2 Logistics vs Chery Tiggo
6:30 p.m. – Army-Black Mamba vs PLDT

WINALIS ng Cignal ang Akari, 25-23, 25-20, 25-14, upang makapasok sa win column sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Ipinalasap ng HD Spikers sa Chargers ang ikatlong sunod na pagkatalo sa duelo ng winless teams.

Masaya si Rachel Anne Daquis, nanguna sa Cignal na may 11 points, kabilang ang 3 blocks, at 7 receptions, na makita ang kanyang koponan na bumangon matapos na simulan ang season na may dalawang sunod na talo.

“Nakakatulong para maging high morale ang team,” wika ni Daquis, ang ccharismatic leader ng koponan. “Walang instant, kailangang paghirapan.”

Nagtala si Roselyn Doria ng 8-of-14 mula sa spikes upang tumapos na may 9 points habang nag-ambag si Ces Molina ng 8 points at 5 receptions para sa HD Spikers.

Nahirapan si Dindin Santiago-Manabat na may 10-of-44 attacks para sa 11-point outing habang nagdagdag si Janine Marciano ng 7 points, 10 digs at 6 receptions para sa Akari.