PVL: CREAMLINE LUMAPIT SA FINALS

creamline

ISANG panalo na lamang ang kailangan ng Creamline Cool Smashers  upang makabalik sa finals makaraang maitakas ang 26-24, 25-21, 23-25, 25-20 panalo laban sa PacificTown Army sa Game 1 ng semifinals ng 2019 Premier Volleyball League Reinforced Conference kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Nanguna si import Kuttika Kaewpin sa atake ng defending champions kung saan kumamada ito ng 21 points, pawang sa kills.

Ito ang ika-10 sunod na panalo ng Creamline sa torneo. Hindi pa sila natatalo magmula nang yumuko sa opening game sa PetroGazz noong Mayo 26.

“It’s the semifinals,” wika ni Creamline captain Alyssa Valdez. “We know na Army won’t just give it away, and hindi naman madali nilang ibibigay sa amin. I guess Army did their job also, playing well in this game.”

Tumipa si Aleo Blanco ng 19 points sa 12 kills, 4 blocks at 3 aces, habang tumapos si Valdez na may 12 points.

Sinamantala ng Cool Smashers ang 30 unforced errors ng Lady Troopers.

Naglaro ang Lady Troopers na wala si head coach Kungfu Reyes, na nasa Under-23 national team para sa isang torneo sa Thailand. Si Patricia Torres ang gumabay sa PacificTown Army.

Nagbuhos si Olena Lymrareva-Flink ng 31 points sa 25 kills, 4 aces, at 2 blocks,  habang gumawa si Royse Tubino ng 14 points at nagdagdag si Jovelyn Gonzaga ng 10 points para sa Lady Troopers.

Nakatakda ang Game 2 ng best-of-3 series sa Sabado sa Ynares Center sa Antipolo.