PVL: CREAMLINE SA FINALS

Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
4 p.m. – PLDT vs Kurashiki
6:30 p.m. – Kinh Bac Bac Ninh vs Cignal

UMABANTE ang Creamline sa Premier Volleyball League championship sa ikalawang sunod na conference makaraang walisin ang Kinh Bac Bac Ninh, 25-23, 25-23, 25-17, sa Invitational Conference semifinals kahapon sa Philsports Arena.

Nahila ng Cool Smashers ang kanilang perfect run sa conference sa pitong laro at may 4-0 record sa semis.
Ang Kurashiki Ablaze ng Japan ang magiging final semis opponent ng Creamline sa potential Final preview sa Biyernes.

“Thankful kami sa mga players kasi siyempre, nagre-respond sa mga sinasabi namin tsaka sa pinapagawa namin, kaya siguro nasa finals kami ulit. Pero siyempre, lahat ng team gusto mag-champion, kaya hindi pa tapos yung goal namin,” wika ni Cool Smashers head coach Sherwin Meneses.

Nanguna si Tots Carlos para sa Creamline na may 14 kills, nagtala si Alyssa Valdez ng 11 kills at 11 receptions, habang si Jema Galanza ang isa pang player sa double digits na may 10 points at nakakolekta ng 10 digs.

Umiskor si Ced Domingo ng match-bests four blocks at isang service ace para sa eight-point outing habang gumawa si setter Jia de Guzman ng 17 excellent sets.

Matikas na nakihamok ang Vietnamese sa Cool Smashers sa unang dalawang sets bago natalo, lumisan si skipper Oanh Nguyen sa laro sa third dahil sa umano’y knee injury.

Nanatiling walang panalo ang Kinh Bac Bac Ninh sa tatlong laro, kung saan makakaharap nito ang Cignal at F2 Logistics sa kanilang huling dalawang laro.

Nanguna si Huong Nguyen para sa Vietnamese club na may 19 kills habang nagdagdag si Xuan Le ng 10 points, 6 receptions at 6 digs.