PVL: F2 LOGISTICS NAKAISA

Standings W L
Chery Tiggo 2 0
PetroGazz 1 0
Creamline 1 0
Akari 1 1
Cignal 1 1
Choco Mucho 1 1
PLDT 1 1
F2 Logistics 1 2
UAI-Army 0 3

Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
2:30 p.m. – Chery Tiggo vs Akari
5:30 p.m. – Choco Mucho vs PLDT

SINANDIGAN ni Lindsay Stalzer ang F2 Logistics upang pataubin ang United Auctioneers Inc.-Army, 25-17, 25-21, 25-16, at makapasok sa win column sa Premier Volleyball League Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena.

Habang nagpapahinga si Kalei Mau dahil sa cramps, nanalasa si Stalzer at kumana ng 24 points at 10 receptions upang tulungan ang Cargo Movers na putulin ang two-match losing skid, habang ipinalasap sa Lady Troopers ang ikatlong sunod na kabiguan.

Sa kabila ng panalo, hindi pa rin kumbinsido si F2 Logistics coach Benson Bocboc sa straight-set romp.

“Well, a win is a win. Pero ‘yung ipinakita doon sa loob, medyo tight pa ano. Medyo pigil pa ‘yung galaw and marami pa ring lapses, hindi ko masasabi iilan ano, pero marami,” sabi ni Bocboc.

“So nagkataon na Army ang nakalaban but we will take the win to boost the team’s confidence. We have to work harder in the next few games,” dagdag pa niya.

Tumapos si Mau na may 8 points bago inilabas sa buong third set dahil sa cramps, habang nagtala si Kim Kianna Dy ng 2 blocks para sa eight-point outing para sa Cargo Movers.

Nakalikom si Ivy Lacsina, ang UAAP champion mula sa National University na kinuha ng F2 Logistics sa conference break, ng match-best 3 blocks upang tumapos na may 7 points at nakakolekta ng 5 digs.

Kumubra si Libero Dawn Macandili, nagbalik matapos lumiban sa unang dalawang laro, ng 13 digs at higit sa lahat ay nagbigay siya ng katatagan sa floor defense at coverage ng Cargo Movers, habang gumawa si Kim Fajardo ng 13 excellent sets.

Nanguna si Jovelyn Gonzaga para sa Lady Troopers na may 7 points at 11 digs, nag-ambag si Royse Tubino ng 6 points habang humataw si setter Ivy Perez ng 2 blocks upang tumapos na may 5 points.

Naglaro si Canadian Laura Condotta, kumamada ng 5 kills, ng higit pa sa isang libero na may 11-dig, 11-reception effort.