PVL: IKA-2 SUNOD NA PANALO TARGET NG CROSSOVERS

Standings W L
Cignal 4 0
Creamline 3 1
PLDT 3 1
Army 2 2
Choco Mucho 1 3
Chery Tiggo 1 3
PetroGazz 0 4

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
2:30 p.m. – Army vs Chery Tiggo
5:30 p.m. – PetroGazz vs Cignal

BUO na ang lineup, umaasa ang Chery Tiggo na makadalawang sunod na panalo at manatili sa semifinals hunt sa pagsagupa sa Army-Black Mamba sa Premier Volleyball League Invitational Conference ngayon sa Filoil EcoOil Centre.

Makaraang isailalim sa health and safety protocols na nag-sideline sa kanya sa dalawang laro, si Alina Bicar ay natutuwang matulungan ang Crossovers na manatiling nakalutang sa torneo.

“Nagsisimula na kami ngayon na ‘yun nga, nakumpleto na kami and babawi kami sa mga susunod naming games,” sabi ni Bicar makaraang sa wakas ay makapasok ang Chery Tiggo sa win column sa 25-22, 25-14, 25-21 panalo sa PetroGazz sa Sta. Rosa, Laguna noong nakaraang Huwebes.

“Nakaka-overwhelm siya pero hindi pa nagtatapos dito ang lahat, lalaban pa rin kami hanggang dulo,” dagdag ng dating University of Santo Tomas setter.

Si Bicar, kasama sina EJ Laure, Justine Dorog at libero Buding Duremdes, ay gumanap ng mahalagang papel sa crucial win kontra Angels at inaasahang uulitin ito sa 2:30 p.m. duel sa Lady Troopers.

“Siyempre super happy kasi first of all, nakabalik na nga kami mag-laro tapos ganito pa yung nangyari,” sabi ni Bicar.

“Sabi ni coach (Aying Esteban) kahit sinong ipasok maglaro lang, and ayun, naglaro lang kami kung ano ‘yung tini-training namin,” dagdag pa niya.

Sisikapin naman ng early semifinalist Cignal HD na mahila ang kanilang perfect run sa limang laro kontra wala pang panalong PetroGazz sa isa pang laro sa alas-5:30 ng hapon.

May 1-3 marka, kailangang walisin ng Crossovers ang kanilang nalalabing dalawang laro — hanggang maaari ay makaiwas na magwagi sa five-setters – para makapasok sa semis. Ang lahat ng ties para sa No. 4 matapos ang preliminaries ay dedesisyunan via FIVB quotient.

Kasalukuyang katabla ang walang larong Choco Mucho sa fifth place, ang Chery Tiggo ay naghahabol sa Army (2-2) ng isang laro sa karera para sa huling semifinals berth.

Mabibigyang-linaw ng Lady Troopers ang semis race sa panalo laban sa Crossovers. Tatapusin ng Army, galing sa 25-17, 11-25, 20-25, 18-25 talo sa PLDT, ang kanilang elimination round assignments kontra Creamline sa Sabado.