PVL: NARIT PRO NA, SWAK SA FARM FRESH

MAGIGING professional player na si Joan Narit ng Ateneo, at lalaro siya sa Farm Fresh Foxies, ang isa sa dalawang bagong koponan sa Premier Volleyball League Invitational Conference na lalarga sa June 27.

“Done being a college student, ready to live the life as a full-time athlete,” pahayag ng Farm Fresh patungkol kay Narit sa kanilang social media accounts.

Si Narit ay naglaro ng tatlong seasons lamang para sa Ateneo, simula sa kanilang kampanya sa Season 82 na natigil dahil sa COVID-19 pandemic. Bahagi siya ng starting six ni coach Oliver Almadro sa Seasons 84 at 85.

Ang middle blocker ay naging ikalawang Blue Eagle na magiging bahagi ng Farm Fresh makaraang ianunsiyo ng koponan ang pagpasok ni Pia Ildefonso noong nakaraang Sabado.

Tinatampukan ng core ng reigning two-time NCAA champion College of Saint Benilde team, ang Farm Fresh ay gagabayan ni Jerry Yee sa inisyal na pagsabak nito sa liga.

“The PVL is a big platform to introduce our product, which is the first real fresh milk in the market,” sabi ni Foxies team manager Janica Lao.

“Though we are a new team, chemistry won’t be a problem for us since the Lady Blazers never really stopped training even after the NCAA season,” dagdag pa niya.

Pangungunahan nina Gayle Pascual at Jade Gentapa, ang Finals MVP sa huling dalawang NCAA seasons, kasama sina Cloanne Mondoñedo, Jessa Dorog, Michelle Gamit, Zam Nolasco at comebacking Mycah Go ang Foxies.

Ang Farm Fresh ay sasabak sa Group B ng Invitational, kasama ang Petro Gazz, F2 Logistics, Choco Mucho, Cignal, at Foton.