PINALAKAS ng Petro Gazz ang kanilang middle blocker position sa pagbabalik ni MJ Phillips para sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference na papalo sa Martes, Pebrero 20.
Ipinamalas ng 28-year-old na si Phillips kamakailan ang kanyang skills sa ibang bansa sa paglalaro para sa Gwangju AI Peppers sa Korean Volleyball League, kung saan siya ang nag-iisang Pinay na na-draft sa Asian Quota Draft.
Bago umalis noong nakaraang Hulyo ay nakopo ni Phillips ang Best Middle Blocker award sa 2022 Reinforced Conference at 2023 First All-Filipino Conference.
Ang kanyang outstanding performance ang naging tuntungan niya upang maging fifth overall pick sa KOVO Asian Quota Draft noong nakaraang taon.
Sa pagkawala ni Phillips, ang Angels ay naharap sa mga hamon, tinapps ang Invitational Conference sa ninth place at ang Second All-Filipino Conference sa sixth spot.
Nasa ilalim ngayon ni coach Koji Tsuzurabara, ang koponan, galing sa kanilang PNVF Champions League triumph noong nakaraang weekend, ay may ipinagmamalaking malakas na lineup, sa pangunguna nina returning Myla Pablo at newcomer Brooke Van Sickle.
Sa pagbabalik ni Phillips ay inaasahang aangat ang championship aspirations ng Angels.
“Pagkarinig ko ng news, sobrang nasiyahan ako kasi babalik na ang buddy ko. Sobrang na-miss ko siya,” sabi ni PetroGazz new captain Remy Palma.
“We are more excited as mas maraming puwedeng ma-look forward kung ano man ang marating namin this conference,” dagdag pa niya.
Hindi pa inaanunsiyo ng Angels kung kailan darating sa bansa si Phillips.
“Aantayin namin siya kung kailan ‘yung day ng mismong pagbalik niya. Alam namin na aabot talaga iyon. Hopefully maraming games ang maabutan niya sa amin,” ani Palma.
Ang season opener ng Petro Gazz ay kontra debutants Strong Group Athletics sa Martes, alas-4 ng hapon, sa Philsports Arena.