PVL: SEMIS TARGET NG CHERY TIGGO

Standings W L
Chery Tiggo 4 0
Creamline 3 0
PetroGazz 2 1
F2 Logistics 2 2
Choco Mucho 2 2
Cignal 1 2
Akari 1 3
PLDT 1 3
UAI-Army 0 3

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
2:30 p.m. – Akari vs Creamline
5:30 p.m. – Chery Tiggo vs UAI-Army

PUNTIRYA ng undefeated Chery Tiggo ang unang semifinals berth sa pagsagupa sa wala pang panalong United Auctioneers Inc.-Army sa Premier Volleyball League Reinforced Conference ngayon sa Philsports Arena.

Puno ng kumpiyansa makaraang magwagi sa kanilang unang apat na laro, ang Crossovers ay pinapaborang magwagi sa kanilang 5:30 p.m.encounter sa Lady Troopers.

Sisikapin naman ng Creamline, nakabuntot sa Chery Tiggo sa No. 2, na mahila ang kanilang perfect run sa apat sa pagharap sa Akari sa alas-2:30 ng hapon.

Matapos mangulelat sa Invitational Conference dahil sa injury at health issues, ang Chery Tiggo ay gumawa ng malaking turnaround sa season-ending tournament.

Ang mga homegrown talents, sa pangunguna nina Mylene Paat, EJ Laure at Cza Carandang, ang nagbitbit sa Crossovers sa kinalalagyan nila ngayon sa kanilang offensive firepower, habang akma ang papel na ginagampanan ni Montenegro’s Jelena Cvijovic sa koponan sa kanyang solid receiving at digging.

“Sobrang thankful pero hindi kami dapat ma-overwhelm kasi kailangan namin pagtrabahuan lahat ng games namin at lahat ng haharapin namin,” sabi ni Paat, ang top local scorer sa torneo.

“Kailangan talagang magsipag pa kami lalo, magpursige and gustuhin namin yung ginagawa namin sa puso at isip namin ng lahat ng tinuturo sa amin,” dagdag pa niya.

Naghahanda ang Chery Tiggo para sa kung ano ang maaaring ilabas ng UAI-Army lalo na’t ang kanilang katunggali ay desperadong makapagtala ng panalo.

“Siyempre sinasabi nga namin, hindi kami puwedeng magpabaya. Hindi kami puwede kaming confident doon sa naging sa status namin. So dapat mas lalo kaming pumupukpok kasi nga siguro yung other teams, they are trying to beat us kasi kami ang nasa itaas so kami ang parang gusto naming pukpukin ngayon,” ani Esteban. “Pero siyempre mag-stay pa rin kami kung ano ang ginagawa namin, mas dodoblehin pa dapat namin kung ano man ang ginagawa namin sa practices para mas stable din ang standing namin dito sa team,” dagdag pa niya.

May 0-3 record, ang Lady Troopers ay kailangang mag-ipon ng mga panalo para makausad sa semifinals.

Ang Cool Smashers ay may 3-0 kartada, habang ang Chargers ay may two-match losing streak. Ang Akari ay kasalukuyang tabla sa PLDT sa seventh place sa 1-3.