“IF AMERICANS can do it, if Singaporeans can do it, if Japanese can do it, why not Manileños?
Ito ang tanong ni Manila Mayor Isko Moreno sa mga kompanya nang hilingin niya na makapagtrabaho ang Persons with Disabilities (PWDs) at senior citizens sa mga fast food chain sa lungsod.
Nabatid na inatasan na ng alkalde si Public Employment Services Office head Fernan Bermejo na kausapin ang management ng mga fast food chain na tumanggap ng mga senior citizen at maging ng PWDs.
“Kayong mga senior, mag-exercise na kayo. Dahil si Fernan Bermejo ay inatasan ko nang tupdin ‘yung commitment natin na tumanggap ang mga Jollibee, McDonald’s, lahat ng food chains ng senior citizens including PWDs,” ayon kay Moreno.
Sinabi ng alkalde na magandang oportunidad ito sa mga senior citizen at may kapansanan na magtrabaho pa rin kung kaya pa naman at kung nais pa nila na muling maghanapbuhay.
Sa datos, nalaman na may mga senior citizen na kinakailangan pa ring maghanapbuhay upang may pantustos sa sariling mga pangangailangan at ang iba ay may pamilya pa rin na kinakailangang buhayin.
Magiging malaking tulong sa kanila na magkaroon ng trabahong makapagbibigay sa kanila ng maayos na pagkakakitaan.
Una nang inanunsiyo ni Moreno ang paglagda sa ordinansang magbibigay ng ₱500 na allowance sa mga senior citizens at PWDs kada buwan. VERLIN RUIZ