QC RESCUERS SASANAYIN SA DAVAO CITY

IMINUNGKAHI  ng pamahalaang lungsod ng Quezon  na ipadala ang kanilang rescue units  sa Davao City upang magsanay at pag-aralan ang emergency response capabilities dito.

Sinabi ni Quezon City ­Acting Mayor Joy Belmonte na nakadidismaya ang kawalang aksiyon ng mga rescuer sa pananambang sa isang piskal kamakailan.

Nakipag-usap na umano si Belmonte kay QC Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) Chief Karl Michael Mara­sigan, matapos makausap ang anak ng pi­naslang na si Deputy Prosecutor Rogelio Velasco.

Ayon sa anak ng biktima, walang rumesponde sa kanila upang tumulong.

Mag-isa umano niyang dinala sa ospital ang kanyang ama dahil walang dumating na emergency response team para tulungan sila.

Binaril at napatay ng mga hindi nakilalang salarin si Velasco nitong Mayo 11 sa kahabaan ng Holy Spirit Drive sa Ba­rangay Holy Spirit. Kasama niya noon ang dalawa niyang anak.

Matapos ang pamamaril, walang dumating na  parame­dics mula sa City Hall, ayon kay Belmonte.

Pagdidiin ni Belmonte, hindi sapat na nakatatanggap ng maraming awards o pagkilala ang QCDRRMO.

Ayon pa kay Belmonte, maraming matututuhan ang QCDDRMO sa Davao City na may epektibong emergency and rescue system.

Kamakailan ay  dumalaw si Belmonte sa Davao City kung saan ipinakita sa kanya ni Mayor Sara Duterte-Carpio ang iba’t ibang emergency response faci­lities ng lokal na pamahalaan tulad ng kanilang 911 emergency hotline center. NENET L. VILLAFANIA    

Comments are closed.