AARANGKADA na ang ika-7 edisyon ng pinaka-aabangang QCinema International Film Festival na idaraos sa mga piling sinehan sa lungsod ng Quezon tulad ng Gateway Mall, Ayala Trinoma, Robinsons Galleria, UPFI Cine Adarna, Cinema 76 Anonas, at Cinema Centenario mula Oktubre 13 hanggang 22.
Napiling opening film ang pelikulang “Untrue” ng award-winning director na si Sigrid Andrea Bernardo (Kita Kita, Ang Huling Chacha ni Anita, Lorna) na iprinudyus ng Viva Films at ng The Idea First Company. Tampok dito ang tambalang Cristine Reyes at Xian Lim na ang mga mahahalagang eksena ay kinunan pa sa Georgia.
Closing film naman ang Wet Season ng Singaporean director na si Anthony Chen na follow-up sa kanyang matagumpay na pelikulang “Iloilo”.
Sa taong ito, magpopokus ang festival sa Asian filmmakers kung saan sa loob ng isang linggo ay iso-showcase ang kanilang mga obra.
Kinikilala rin nito ang ambag ng mga babaeng director kaya may tema itong nakasentro sa mga kababaihan.
Bilang isa sa nangungunang film festival sa Asya, magkakaroon din ng international premieres ang mga pelikulang mula sa Southeast Asia, kasama na ang tatlong Filipino features na tampok sa Asian Next Wave Competition.
Sa main competition section o Asian Next Wave, tatlong Pinoy filmmakers ang pinagkalooban ng P1,500,000 milyon na seed grant.
Ito ay ang “Kaaway sa Sulod” ni Arnel Barbarona, “Babae at Baril” ni Rae Red at “The Cleaners” ni Glenn Barit.
Sa kategoryang ito, makakatunggali nila ang Nakorn-Sawan (Puangsoi Aksornsawang, Thailand); Ave Maryam (Robby Ertanto, Indonesia); Fly By Night (Zahir Omar, Malaysia), The Long Walk (Mattie Do, Laos) at Suburban Birds (Sheng Qiu, China).
Sa QC Shorts competition, anim na filmmakers ang nakatanggap ng P200,000 production grant para sa kanilang mga obra. Ito ay ang Judy Free ni Jean Cheryl Tagyamon; Tokwifi ni Carla Pulido Ocampo; Here, Here ni Joanne Cesario; SPID nina Alejo Barbaza at Mervine Aquino; Excuse Me, Miss, Miss, Miss ni Sonny Calvento; at Isang Daa’t Isang Mariposa ni Norvin De los Santos.
Sa documentary features naman ay pinagkalooban ng P500,000 post-production grants ang mga sumusunod sa kategoryang DocQC: For My Alien Friend (Jet Leyco), A is for Agustin (Grace Pimentel Simbulan) at Spring by the Sea (Aleia Garcia).
Tampok din ang critically-acclaimed Asian documentaries sa non-competitive section ang
The Future Cries Beneath Our Soil (Pham Thu Hang, Vietnam); Talking About Trees (Suhaib Gasmelbari, Sudan) at Kabul, City in the Wind (Aboozar Amini, Afghanistan).
Sa pakikipagtulungan sa Film Development Council of the Philippines (FDCP), malugod ding inihahandog ang anim na LGBTQ films na tampok sa RainbowQC section. Ito ay ang Venice Queer Lion winner Jose (Li Cheng); Song Lang (Leon Le); Port Authority (Danielle Lessovitz); Where We Belong (Kongdej Jaturanrasamee); And Then We Danced (Levan Akin); at ang Berlinale Teddy awardee na Brief Story from the Green Planet (Santiago Loza).
Ipinakikilala rin sa taong ito ang New Horizons section na plataporma para sa mga baguhang filmmakers mula sa buong mundo na tumatalakay sa iba’t-ibang paksa tulad ng The Bare Necessity(Erwan De Luc); Buoyancy (Rodd Rathjen); Homeward (Nariman Aliev); The Red Phallus (Tashi Gyeltshen); Chola (Sanal Kumar Sasidharan; at System Crasher (Nora Fingscheidt).
Bilang pagpupugay sa ikasandaang taon ng pelikulang Pilipino, itatampok din ang Centenial Classics kung saan ipalalabas ang digitally restored films mula sa ABS-CBN Film Restoration Project at FDCP tulad ng Biyaya ng Lupa (Manuel Silos); Malvarosa (Gregorio Fernandez); Insiang and Maynila sa Kuko ng Liwanag (Lino Brocka); Noli Me Tangere (Gerardo de Leon); at Tisoy (Ishmael Bernal).
Bibigyan naman ng Special Life Achievement Award ang film producer na si Vicente del Rosario Jr., na siyang nagtatag ng Viva Entertainment bilang isa sa pinakamatagal na film outfit sa bansa na hindi matatawaran ang naging ambag sa ating industriya.
Bahagi ng pagkilala sa kanya ang Viva Classics section kung saan tampok ang mga hindi makakalimutang obrang iprinudyus ng kanyang movie company tulad ng Bituing Walang Ningning (Emmanuel H. Borlaza); Scorpio Nights 2 (Erik Matti); and Working Girls (Ishmael Bernal).