Q’FINALS TARGET NG E-PAINTERS

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
3 p.m. – San Miguel vs Meralco
5:45 p.m. – Rain or Shine vs Magnolia

TATANGKAIN ng Rain or Shine na masungkit ang ika-8 at huling quarterfinals berth sa pagsagupa sa second running Magnolia sa huling araw ng eliminations sa PBA Commissioner’s Cup ngayong Biyernes sa Philsports Arena.

Nakatakda ang salpukan ng Elasto Painters at Hotshots sa alas-5:45 ng hapon matapos ang bakbakan ng San Miguel at sibak nang Meralco sa alas-3 ng hapon.

Krusyal ang laro kapwa sa RoS at Magnolia kaya inaasahan ang mainit na bakbakan.

Kung mananalo ang Elasto Painters ay mapupunta sa kanila ang huling quarterfinals slot at tatapusin ang ambisyon ng NLEX Road Warriors na makasingit sa Final 8.

Sinibak ng NLEX ang Meralco, 92-81, at nabuhay ang kanilang pag-asa na umabante sa susunod na round.

Determinado naman ang Magnolia na manalo at kunin ang ikalawang twice-to-beat advantage — ang una ay kinuha ng guest team Bay Area Dragons.

Kung matatalo ang Magnolia, mapupunta ang ikalawang twice-to-beat bonus sa sister team Barangay Ginebra at ayaw ni coach Chito Victolero na mangyari ito.

Inamin ni RoS coach Yeng Guao na mabigat ang kanilang laban dahil malalim ang bench ng Magnolia at isa sa pinakamalakas na koponan sa liga.

“It’s a tough job to accomplish because Magnolia is strong. A chance is a chance. No matter how slim it is, we will go for it dahil ang goal namin ay manalo at pumasok sa quarterfinal,” wika ng veteran coach.

CLYDE MARIANO