Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – Blackwater vs Meralco
7 p.m. – Ginebra vs NLEX
PUNTIRYA ng Barangay Ginebra ang unang quarterfinal slot sa pakikipagtipan sa mapanganib na NLEX sa PBA Governors’ Cup ngayon sa Araneta Coliseum.
Nasa ibabaw ng standings na may kartada 5-1, kasosyo ang sister team Magnolia, sasagupain ng Gin Kings ang Road Warriors sa main game sa alas-7 ng gabi matapos ang duelo ng Blackwater at Meralco sa alas-4:30 ng hapon.
Haharapin ng Kings ang Road Warriors na sariwa mula sa 109-108 panalo laban sa sister team at reigning Philippine Cup champion San Miguel Beer noong Set. 30 sa Big Dome.
Somosyo ang Hoshots sa Kings sa liderato makaraang ilampaso ang winless Columbian Dyip noong Miyerkoles.
Muling masusubukan ang galing ni Ginebra import Justine Brownlee sa pakikipagtuos kay NLEX counterpart Aaron Fuller.
Nakahandang umalalay kay Brownlee sina LA Tenorio, Scottie Thompson, Kevin Ferrer, Aljon Mariano, Jervy Cruz at Mark Caguioa, habang pamamahalaan ni Japeth Aguilar ang shaded lane para hindi maka-penetrate ang Road Warriors.
Dehado ang NLEX dahil wala si ace gunner Kiefer Ravena na kasalukuyang suspendido dahil sa nangyaring gulo sa laro ng Filipinas at Australia sa FIBA Asia qualifying na ginanap sa bansa.
Sa pagkawala ni Ravena ay aasa na lamang si coach Yeng Guiao kina Larry Fonacier, Kevin Alas, Alex Mallari, Carlo Lastimosa, Jonas Villanueva, JR Quinahan at Raul Soyud.
Wala man si Ravena ay hindi dapat magkumpiyansa si coach Tim Cone dahil may kakayahan ang tropa ni coach Yeng na baligtarin ang mesa sa kanilang pabor.
Maraming beses na itong ginawa ni Guiao at ayaw ni Cone mangyari sa kanya ang mapahiya sa kanilang mga supporter.
Samantala, sisikapin naman ng Blackwater na makabawi mula sa masaklap na 106-124 pagkatalo sa NLEX para makabalik sa trangko sa pagharap sa Meralco.
Ang panalo laban sa Meralco, na kailangang kumayod nang husto upang mapanatiling buhay ang sisinghap-singhap na kampanya, ay magpapalakas din sa kampanya ng Blackwater na makapasok sa ‘top four’ sa pagtatapos ng eliminations at makuha ang twice-to-beat advantage sa quarterfinals. CLYDE MARIANO
Comments are closed.